SEEN: Ang talent manager na si Arnold Vegafria ang national director ng Mr. World Philippines at siya ang punong-abala sa 10th Mr. World na idaraos sa Pilipinas sa kauna-unahan na pagkakataon. Ang Smart Araneta Coliseum ang venue ng grand coronation night ng Mr. World sa August 23. Hindi na masabi ni Arnold ang budget na inilaan ng Mr. World Organization para sa 10th Mr. World sa dami ng mga gastusin at hindi madali na maging host country ang Pilipinas ng isang international male beauty pageant.
SCENE: Naririto sa bansa ang Miss World Organization Chair na si Julia Morley para sa Mr. World. Puring-puri ni Morley ang hospitality ng mga Pilipino at hanggang ngayon, hindi niya nakakalimutan na ikuwento ang kabutihan ni Megan Young, ang unang Pilipina na nanalong Miss World noong 2013.
SEEN: Si JB Saliba ang official representative ng Pilipinas sa 10th Mr. World, para kay JB, isa siya sa shortest candidate dahil sa kanyang height na 5’10. Matalino at mahusay sumagot si JB sa mga tanong sa kanya. Doktor, civil engineer, artista, television host at professional model ang propesyon ng karamihan sa mga kalaban niya at tulad ni Julia Morley, nagustuhan nila ang mainit na pagtanggap sa kanila ng mga Pilipino.
SCENE: Ipinagmamalaki ni Mr. World Canada Alessandro Coward ang pagiging autistic niya. Naranasan ni Coward na maging biktima ng bullying kaya advocacy niya na tulungan ang kanyang mga kagaya na may autism. Hindi mahahalata sa physical appearance ni Coward na autistic siya.
SEEN: Likas na matulungin si Mr. World Dominican Republic Alejandro Martinez dahil siya ang naging interpreter ng mga Latino candidate na hindi marunong ng English language.
SCENE: “I am desirable” ang confident na sabi ni Mr. World Thailand Anakin Nontiprasit na naging translator ni Mr. World Vietnam Tran Cong Hau dahil hindi ito masyadong fluent sa English language. Isa si Anakin sa mga Asian candidate na hinuhulaan na magkakaroon ng puwesto sa grand coronation night ng Mr. World.
SEEN: Strong contender din si Mr. World Mexico Brian Arturo Gonzales na hindi na nakakain ng tanghalian noong Miyerkules dahil minadali na sila na sumakay ng bus para sa pagbisita ng lahat ng mga kandidato sa head office ng Bench sa Bonifacio Global City na isa sa mga major sponsor ng contest ng kakalakihan.