Ice Seguerra maraming beses pinalayas sa CR!

Ice Sequerra

Relate na relate kay Gretchen

Apektado si Ice Sequerra, partner ni FDCP (Film Development Council of the Philippines) Chair Liza Diño, sa ginawang harassment sa transgender woman na si Gretchen Costudio Diez na binawalang gumamit ng CR ng babae sa isang mall sa Quezon City.

Certified trans man si Ice at aminado sila ni Chair Liza na nag-iipon sila para magkaroon ng sariling anak.

At ayon kay Ice, maraming beses na rin siyang napalayas sa banyo kaya may pagkakataong natatakot na siyang gumamit ng comfort room.

“Honestly, this is one of my biggest fears whenever I’m out. Lalo na pag nasa Arabic countries ako. Pag sa pambabaeng banyo, ilang beses na akong pinalabas. And kung sa panlalaki naman, ang daming tanong, lalo na kung may mga Pinoy.

“Kapag may ASEAN events akong dinadaluhan nung nagtatrabaho ako sa NYC, hindi ako umiinom ng tubig buong araw kasi natatakot ako mag-banyo. This is a real concern. Na hangga’t hindi mo pa nararanasan, isasawalang bahala mo lang.

“Concern na hindi ko kailanman inisip na pagdadaanan ko rin pala. Para sa iba mababaw, pero hindi eh. Hindi mababaw yung pagtititnginan ka ng mga tao lalo na yung papalabasin ka. Parang kinakain ako ng lupa sa tuwing nangyayari yun and what’s worse is I don’t feel safe. All of these feelings and more, AND NOW THIS... just because gusto lang namin magbanyo,” pag-amin ng accoustic singer sa kanyang mga karanasan sa paggamit ng toilet.

Maraming naawa kay Gretchen matapos nga siyang hatakin ng janitress ng isang mall at sitahin nang pumasok sa toilet na pambabae.

Nag-viral sa Facebook ang nasabing pangyayari hanggang makalaboso pa ang transgender woman sa Camp Karingal para sa kasong unjust vexation pero agad naman itong pinalabas.

Mabilis ang naging reaction sa nangyari kay Gretchen. “We condemn this kind of discrimination towards members of the LGBT+ community. Ang Quezon City ay ang unang lungsod na may Gender Fair Ordinance upang protektahan ang karapatan ng mga miyembro ng LGBT+. Sa batas na ito, ipinagbabawal ng lungsod ang lahat ng uri ng diskriminasyon, at binibigyan ng proteksyon at paggalang ang dignidad at karapatang-pantao ng lahat, lalung-lalo na ang LGBT+.

“Malinaw na hindi sumusunod ang Farmers Mall sa nasabing ordinansa kung saan lahat ng government offices, private, at commercial establishments ay dapat magtalaga ng “All-Gender Toilets” para sa lahat (Section 5: Affirmative Acts, 1 Affirmative Acts in Employment, Part D),” pahayag agad ni Mayor Joy Belmonte sa naranasan ni Gretchen sa janitress na habang sinusulat ito ay humingi na diumano ng tawad kay Gretchen.

 Nag-apologize na rin ang Farmer’s Market kay Gretchen, sa LGBT community at sa publiko.

Dahil sa nangyari kay Gretchen ay mas lumakas ang apelang bilisan ang pagpasa ng Sexual Orientation, Gender Identity, and Gender Expression (SOGIE) Equality Bill na authored by Senator Risa Hontiveros.

Kasama rin si Vice Ganda sa maraming celebrity na naawa sa naging kapalaran ng kanyang kabaro at naghihintay na rin na magkaroon ng SOGIE bill. “Nakakaawa yung mga LGBTQ+ na napagkakaitan ng karapatan dahil sa kanilang gender identity. At nakakaawa rin yung mga ignorante na napagkakaitan ng kaalaman kaya nakakatapak ng karapatan. Kailan pa kaya lalawak ang pang unawa sa LGBTQ+? May pag- asa pa ba ang SOGIE BILL?”

Show comments