Isang challenging role na naman ang gagampanan ni Alden Richards sa kanyang upcoming GMA series na The Gift pagkatapos ng matagumpay nilang pelikula ni Kathryn Bernardo na Hello, Love, Goodbye na tuloy ang paghataw sa takilya.
Ayon sa ulat ng 24 Oras, hindi ipinanganak na bulag pero mabubulag ang karakter ni Alden sa kanyang sinisimulang primetime soap na wala pang sinasabing leading lady.
Bilang paghahanda sa kanyang karakter, sumabak si Alden sa immersion sa tulong at guidance ng Resources for the Blind Incorporated, isang non-governmental organization na tumutulong sa mga visually impaired.
“Mas lalo akong na-excite gawin ‘yung role. Nakaka-move lang being here today and experiencing first hand kung ano talaga yung pakiramdam ng pagiging bulag,” pahayag ni Alden sa interview.
Dagdag pa ng Kapuso actor, “Sana itong The Gift will give them inspiration na kahit na bulag, kahit na walang paningin, the losing of sight puwede ka pa ring maging blessing sa ibang tao.”
Makakasama rin ni Alden sa serye sina Jean Garcia, Mikee Quintos, Thia Thomalla, Rochelle Pangilinan, Jo Berry, Martin del Rosario, Divine Tetay, at Elizabeth Oropesa.