Ilang buwan nang magkasintahan sina Jake Cuenca at Kylie Verzosa. Ayon sa aktor ay talagang maayos ang kanilang relasyon ng beauty queen dahil magkasundo sila sa lahat ng bagay.
“One thing about me and Kylie is totoong-totoo lang kami. Gano’n lang kami kasaya and at the same time ang maganda sa relationship naming dalawa, kapag nagkikita kami, walang bahid showbiz,” makahulugang pahayag ni Jake.
Magkasama sa teleseryeng Los Bastardos ang magkasintahan kaya posibleng dito rin nabuo ang kanilang pag-iibigan sa totoong buhay. Malaki ang pasasalamat ni Jake sa lahat ng manonood na patuloy na tumatangkilik sa panghapong serye.
“Ika-apat na season na ito ng Los Bastardos kaya nagpapasalamat ako sa lahat ng sumusuporta sa show namin. Dahil sa kanila, nasa ere pa rin kami, mag-one year na kami,” pagtatapos ng aktor.
Bukod sa nasabing teleserye ay magiging abala na rin si Jake para sa pelikulang Mission Unstapabol: The Don Identity na pinagbibidahan nina Vic Sotto at Maine Mendoza. Isa ito sa mga pelikulang kalahok sa nalalapit na Metro Manila Film Festival.
Joseph, hindi makapaniwalang makakasama ang Superstar
Masayang-masaya si Joseph Marco dahil makakasama sina Nora Aunor at Phillip Salvador sa pelikulang Isa Pang Bahaghari. Nakahanda na rin ang aktor sa pagkakaroon ng istriktong direktor na si Joel Lamangan na siyang gagawa ng nasabing proyekto.
“Mas gusto ko ‘yung istrikto eh. Kasi ako, sobrang seryosong tao rin ako, very passionate ako sa craft ko. Ibig sabihin lang ng pagiging istrikto niya, gusto niya talagang ma-perfect ‘yung ginagawa niya. So gusto kong makuha ‘yung energy niya. Gusto kong may matutunan ako sa kanya. I’m sure madami talaga akong matututunan sa kanya. More than kinakabahan ako, mas excited ako do’n sa matututunan ko sa project na ito,” nakangiting pahayag ni Marco.
Halos hindi makapaniwala ang binata na magkakaroon siya ng pagkakataon na makatrabaho ang nag-iisang Superstar.
“Hindi ko ini-expect na makakatrabaho ko pa si Miss Nora and getting this kind of opportunity, sobrang blessed and thankful talaga ako. Excited akong makausap siya, interbyuhin siya, tanungin siya about sa career niya, ‘yung mga experiences niya. Ako kasi mahilig din akong kumausap sa mga veteran actors. Gusto kong inaalam ‘yung mga experiences nila in life,” dagdag pa ng aktor.
Gustung-gusto ni Marco na masaksihan nang personal kung gaano kagaling bilang isang aktres si Nora. “I’m pretty sure na sa lahat ng co-actors niya parang kaluluwa ‘yung binibigay niya. ‘Yon nga, ‘pag tiningnan ka niya, parang ramdam mo na siya kahit hindi siya magsalita. I’m really looking forward for that experience,” pagtatapos niya. (Reports from JCC)