Kung umaasa kayo ng romansa sa pagitan nina Janella Salvador at Joshua Garcia na pawang mga bida sa serye ngayong The Killer Bride, ngayon pa lang ay binabalaan na nila kayo, dahil magkaibigan lamang daw ang dalawa. Isa pa, taken na rin si Janella sa former Pinoy Big Brother housemate na si Markus Paterson.
Ilang beses nang nakikitang magkasama diumano ang dalawa at nakita pa nga raw sa isang dinner date ang aktres kasama ang buong pamilya ni Markus.
Ang ipinagtataka lamang daw ng ilan ay bakit hindi nila mailabas ang tunay nilang relasyon at parang pilit na itinatago ito ni Janella. Ang network kaya ang may kagustuhan nito?
Samantala, ngayon pa lang ay inaasahan na ang magandang chemistry mula sa unang pagtatambal nina Joshua at Janella. Ayon sa aktres kahit na magtinginan lamang sila ay alam na nila agad ang gagawin.
“Umaarte siya sa mata pa lamang, I just have to react,” kuwento ni Janella.
“Tinginan pa lamang ay okay na kami, alam na namin ang gagawin namin.”
Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na si Janella ay good friend din ni Julia Barretto na siyang ex ni Joshua, at ayon sa kanya ay napag-usapan nila ito minsan pero ayaw na niyang magkomento pa at baka masali pa siya sa issue.
“Ayaw kong makihalo pa sa gulo at baka makadagdag pa ko sa init ng controversy,” pagtatapos niya.
Andrea mas nagiging intense!
Bagama’t medyo nahirapan sa simula, nagawa pa rin ni Andrea Torres na iba-ibahin ang kilos, pananalita at ugali ng kanyang dalawang magkaibang karakter bilang sina Juliet at Jasmine sa primetime series ng GMA-7 na The Better Woman. Mas nagiging intense na kasi ang mga eksena niya kasama si Derek Ramsay bilang Andrew.
“Ang galing ni Miss Andrea T. Para talagang two different characters.... Even the voice,” komento ng isang netizen.
Wala na talagang makakapigil pa sa mga masasamang balak ni Juliet para makuha si Andrew. Magtagumpay kaya siya na tuluyang sirain ang relasyon ng mag-asawa? Abangan ‘yan gabi-gabi sa GMA Telebabad.
Charo at mga apo, humahabol kay Susan Roces
Mukhang napantayan ni Charo Santos at ng mga apo niya ang ganda ng bagong endorsement na ginawa nila para sa Rite Med. Nasimulan ng maganda ni Susan Roces ang pa-eendorso ng nasabing kumpanya na gumagawa ng mga gamot, kung kaya hindi na ito mahirap ipakilala pa sa publiko. Nakatulong pa ng malaki ang pagiging musical ng TVC para mas madaling makaakit sa publiko.
Xian Lim nabigyan ng hustisya ang mga kapulisan
Dapat purihin ang Maalaala Mo Kaya, hindi lang dahil sa paglalagay ng kuwentong kabayanihan ng isang pulis sa pakikipaglaban sa mga masasamang loob kung hindi pati na rin ang maganda nitong adbokasiya na maiiwas sa pagkakakulong ang mga kabataan at hindi maisama sa mga may edad nang kriminal na maaring makaimpluwensya sa kanilang murang kaisipan.
Malaki ang ipinagbago ng pananaw ko sa men in uniform sa pamamagitan ng isang pulis na taga-Cebu, who stands out among the many na nagmamalabis sa kanilang posisyon. Gumagawa ng masama na sa halip ay magprotekta sa mga mamamayan ay siya pang umaabuso sa kanilang kahinaan at karapatan.
Hindi OA si Xian Lim, tama lamang ang atake niya ng kanyang role, pero magagaling yung mga gumanap bilang juvenile delinquent. Ang laki ng itinaas ng paggalang ng tao sa mga kapulisan because of that single episode in MMK.