Na-korner namin si Heart Evangelista sa taping ng StarStruck nung nakaraang Biyernes at open naman siyang pag-usapan ang tungkol sa isyu ng kapatid niyang si Camille Ongpauco at Andrew Wolf.
Hindi naman daw nila itinatago na nagkaroon ng baby ang kapatid niya sa dating aktor at model.
Hindi raw totoong kasal si Camille sa ibang lalaki nang nabuntis ito ni Andrew Wolf.
“She’s single,” pakli ni Heart. Kaya wala raw conflict.
Masaya lang daw sila ngayon dahil may nadagdag na bagong miyembro sa pamilya.
Nandun daw ang suporta nila kay Camille, gaya nang sinuportahan din siya noon ng kapatid.
“We support each other and we’re so happy, because I have a beautiful niece,” dagdag niyang pahayag.
Tanggap naman daw si Andrew sa pamilya kaya nakikita naman sa social media na kasama siya sa ilang family gatherings. “I guess natuto na sila sa experience namin,” napapangiting sagot sa amin ni Heart.
Nakatakdang umalis si Heart patungong China para tapusin na raw ang action movie niya roon.
Pero sa ngayon ay abala siya bilang isa sa Starstruck Councils, at medyo nahihirapan na raw sila ngayong pakonti na lang nang pakonti ang mga finalist.
Malalaman mamayang gabi kung sino ang matatanggal mula sa boys at pati sa girls. Kaya dalawa ang magpapaalam mamaya pagkatapos maglaban sa akting challenge na ang nakakuha ng lowest scores at ang nasa bottom na sina Jeremy Sabido at Ella Cristofani.
Samantala, marami naman ang natuwa sa opening number kagabi na kung saan humataw ng sayaw si Dingdong Dantes kasama ang pinsan niya at dating ka-miyembro sa Abstract Dancers.
Parang reunion na rin nila iyun sa ilan pang miyembro ng mga sikat na dance group nung 90s na ang UMD, Maneouvers at Streetboys.
Pinagbigyan lang kasi ni Dingdong ang request ng fans na kung puwede ay sumayaw siya.
Tonton at Glydel napagkamalang tibo ang anak
Naaliw kami sa kuwento ni Tonton Gutierrez nang nakatsikahan namin sa signing of renewal of contract bilang brand ambassadors ng Beautederm na ginanap sa Annabel’s Restaurant Morato nung nakaraang Biyernes.
Kinausap daw niya kasi ang panganay niyang anak na si Aneeza kung tomboy ba ito.
Nagdududa raw kasi ang aktor dahil sa mga kilos nito, napaka-athletic at hindi raw sanay magbihis ng damit pambabae ang 14-year old daughter niya at gusto niya talaga naka-t shirt lang at jeans.
“Kinausap ko siya nang mabuti kung ano ba siya talaga.
“Ipinaliwanag ko naman sa kanya na sa amin ng Mommy niya okay lang. At least mabuti na ring ma-open niya sa amin na agad and it would be easier for her,” saad ni Tonton.
“Parang nagulat siya, na nagtataka sa akin, yung… ‘saan nanggaling yan Dad? Saan galing yang tanong mong yan?’
“No. I’m a girl,” natatawa niyang kuwento sa amin.
“Kumportable lang talaga siyang magsuot ng jeans at T-shirt, pero sure raw siyang girl talaga siya.”
Naniniwala kasi si Tonton na dapat lahat daw ay i-open ng mga anak sa kanilang mga magulang. (
Yung mga ganung bagay daw kasi, minsan mga magulang pa ang huling nakaalam. Kaya dapat maging sensitive daw ang mga magulang sa kanilang mga anak at i-encourage na sa kanila muna i-open bago sa ibang tao, para maramdaman nitong tanggap siya sa pamilya.
“Sa amin naman ni Glyds, kung sakaling ganun nga siya, it should be okay because at the same time, it wouldn’t be a problem for the child kasi yung iba nagtatago lang nagkakaroon ng problema.
“Minsan it can lead into a suicide…it can lead into something else.
“Pero kung alam naman nila na parang kumportable naman pala yung parents namin with my gender, then it will be easier for the child,” sabi pa ng aktor.
Masaya naman daw sila ni Glydel sa dalawa nilang anak na babae at kahit mahiyain unti-unti na raw silang naging kumportable sa kanilang trabaho sa showbiz.
Susubukan na nga raw ng anak nilang si Aneeza na lumabas sa isang pelikulang Spirit Warriors na balak isali sa Metro Manila Film Festival.
Kasama rito ang anak ni Mayor Isko Moreno na si Joaquin Domagoso.
Si Glydel naman na katatapos lang sa Kara Mia ay hindi muna nag-soap at pinagkakaabalahan nito ang bagong business sa Beautederm dahil naging Mega distributor na raw siya nito ngayon dahil maganda raw ang bentahan ng items ng naturang produkto.
Mabenta raw ito online, kaya kahit nasa gitna ng tapings at shootings, nakakabenta raw siya, hawak lang ang telepono niya.