Wow, super box office ang Hello, Love, Goodbye.
Umaga pa lang kahapon, pila-pila na ang mga nanonood ng pelikula nina Alden Richards and Kathryn Bernardo.
Nakakatuwang may ganitong eksena sa local movie na matagal ding matamlay sa takilya.
Kung meron mang kasing kumikita, so so lang. Hindi talagang kalakasan.
Pero ito talaga, mukhang wawasak sa mga naunang pelikula nila.
Ang Hows of Us ang so far may hawak ng highest grossing Tagalog film pero sa trending ng Hello, Love... mukhang uungasan nito ang pelikula nina Kathryn and Daniel Padilla.
Nagpapalakas ngayon sa takilya ang magandang feedback ng pelikula na nagbukas sa 350 theaters kahapon.
Totoong-totoo na kakaiba ang husay nina Alden at Kathryn dito bilang sina Ethan and Joy na parehong OFW sa Hong Kong.
May tama sa puso ang kuwento pero andun ang kilig. May matutunan ka rin sa kanilang pinagdaanan.
Lakas din ng chemistry nila. Imposible mang maging sila, pero ramdam mo ang konek nila sa screen. Iba, parang John Lloyd Cruz / Sarah Geronimo / Bea Alonzo.
Saka talagang pag si Direk Cathy Garcia-Molina ang humawak, may magic. Naitotodo niya ang akting ng mga artista niya.
Matamlay ang local movie industry dahil nga sa iba’t ibang rason pero nangunguna siyempre ang competition sa mga streaming sites na totoo naman.
Pero pruweba ang Hello, Love, Goodbye, na hindi ang mga manonood ang problema.
Nasa pelikula. Hindi puwedeng magreklamo ang mga producer na hindi pinapanood ang pelikula nila dahil mahal ang bayad sa sine.
Pag maganda ang produkto mo at malakas ang dating ng mga bida, walang duda na gagastusan nila yan.
Hindi sila mangingiming lumabas ng bahay o mag-absent sa trabaho at gumastos kung sigurado silang masusulit ang ipambabayad nila.
Maraming pelikula ang sumisemplang sa takilya for obvious reasons. At ang madalas na problema, story at ang mga bida.
Siyempre ayaw nang manood ng mga tao ng mga kababawan lang o tipong aantukin lang sila. Sa mahal nga naman ng bayad sa sine, gusto naman nilang mabawi ang pinambabayad nila.
Sana nga ay umpisa na ito para sa mas masiglang paligid sa showbiz.
Kasabay pang nag-showing nito ang foreign movie na Fast & Furious pero ang HLG pa rin ang pinilahan.
Bago ang HLG ay nauna nang ipinalabas ang Family History nina Michael V. and Dawn Zulueta at balitang pinilahan din ito.
Malaki ring tulong na Rated PG ito ng MTRCB at Graded A ng Cinema Evaluation Board.