Malapit nang mapanood sa ABS-CBN ang pinakabagong teleserye ni Judy Ann Santos na Starla. 2013 pa nang huling mapanood ang aktres sa isang soap opera kaya masayang-masaya ngayon sa kanyang pagbabalik. “Basically it’s about wishes and ‘yung personal battle ng character ko how to forgive a town, how to forgive myself. It’s about trust, honesty,” pagbabahagi ni Judy Ann.
Maipagmamalaki ng Young Superstar ang bagong serye dahil siguradong pasusubaybayan niya ito sa tatlong anak nila ni Ryan Agoncillo na sina Yohan, Lucho at Luna.
“Ngayon lang ulit ako gagawa ng serye na pambata, kaya excited na akong mapanood ito ng mga anak namin. Kasi for the longest time, we don’t allow them to watch our teleseryes. So at least ito puwede silang manood. At the same time, it’s about time na magkaroon tayo ng teleserye na heart warming, would focus on the values of the children, and the values that we have as adults. And something refreshing,” nakangiting pahayag ni Juday.
Ibang-iba rin ang karakter ng aktres sa Starla dahil may pagkakontrabida si Judy Ann sa bagong serye. “Ito ‘yung first teleserye na halos kontrabida ako. In-enjoy ko lang ‘yung proseso. Kasi ngayon lang ako gumawa ng ganitong klaseng role and para maiba naman,” paliwanag niya.
Matt pinagsisihan ang ginawang pag-alis sa Star Magic
Nagbalik noong June lamang sa pangangalaga ng Star Magic si Matt Evans pagkatapos maging freelancer ng dalawang taon. Para sa aktor ay hinahanap-hanap pa rin niya talaga ang pag-aalagang ibinibigay sa kanya ng pamunuan ng naturang talent management. “’Yon po talaga ‘yung parang sobrang comfort zone ko kaya nag-decide na lang po talaga ako na bumalik na lang,” pagtatapat ni Matt.
Maraming mga bagay ang natuklasan at natutunan ng aktor sa loob ng dalawang taon na wala siya sa Star Magic. “Mahirap, ang hirap magtiwala. Para kang nangangapa sa lahat. So ako, honestly, hinanap ko talaga ‘yung alaga, ‘yung malasakit, saka siyempre trabaho,” paglalahad niya.
Walang naging problema sa pamunuan Kapamilya network ang ginawang pagbabalik ni Matt.
“Actually si Tita Mariole (Alberto) po talaga ‘yung kinausap ko kaagad. Chineck lang po nila at humingi lang po sila ng go signal kay Tita Cory (Vidanes). Tapos pumayag naman po. So right away po in-absorb po ako agad ng Star Magic. Ramdam na ramdam ko po ‘yung parang na-miss ka ng mga tao. Kasi pagtuntong na pagtuntong ko pa lang sa bakuran talagang ang warm ng welcome ng lahat. May part sa akin na parang nagsisisi rin ako bakit ako umalis,” kuwento ng aktor.
Kabilang si Matt sa teleseryeng A Soldier’s Heart na malapit na ring mapanood sa ABS-CBN. (Reports from JCC)