Very proud na naman ang buong Pilipinas sa panalo ni Senator Manny Pacquiao sa boxing fight nila ni Keith Thurman noong Linggo sa MGM Grand Arena, Las Vegas, Nevada.
Ganoon din feeling natin kapag nananalo ang Gilas Pilipinas sa basketball kapag lumalaban sa ibang bansa ang Pinoy team.
‘Yun din ang feeling of pride natin sa tuwing may Pinay na nananalo na Miss Universe. Iba talaga ang happiness na dinadala kapag nare-recognize sa mundo ang mga representative natin.
Maliit lang na bansa ang Pilipinas pero para tayong may superpower kapag nananalo tayo sa iba’t ibang mga larangan.
‘Yung kapag nalaman na Pilipino ka, sasabihin agad ng mga foreigner, ‘Pacquiao?’ o kaya ‘Miss Universe?’
So proud to be Pinoy, Mabuhay ang Pilipinas. Thank you sa lahat ng mga nagbigay sa atin ng karangalan.
Talagang mahirap itaob si Champ Manny Pacquiao. Kung anu-ano na ang hula, mas bata, mas malakas at mas matangkad ang kalaban niya pero ang experience at wisdom pa rin ni Papa Manny ang nagwagi.
Kasama pa diyan na lucky factor ang mga tao na nakapaligid sa kanya, sina Navotas City Mayor Toby Tiangco, Congressman Lito Atienza at Jake Joson.
Hindi natin masisisi si Papa Manny na hindi humihinto sa boxing dahil challenge sa kanya ang sinasabi ng mga doubting Thomases na hindi na niya kayang lumaban.
Sure ako kung nandoon tayo nina Lynette, kaloka na naman tayo sa katatalon dahil nanalo na naman si Champ Manny. Congrats Jinkee, talagang champion ang asawa mo. Mabuhay ang Pilipinas!
Sen. Bong iba ang ngiti sa SONA
Maligaya ang pakiramdam ko nang mapanood ko kahapon si Senator Bong Revilla, Jr. at ang kanyang misis na si Bacoor City Mayor Lani Mercado na dumalo sa State of the Nation Address (SONA) ni President Rodrigo Duterte.
Surreal ang feeling dahil sino ang mag-aakala na mahigit sa apat na taon na nakulong si Bong sa PNP Custodial Center ng Camp Crame pero ngayon, naglilingkod na uli bilang senador ng Pilipinas dahil ibinoto siya ng milyun-milyong Pilipino?
Bakas na bakas sa mukha ni Bong ang happiness at ang very positive aura niya.
Hindi nakakalimutan ni Bong ang pangako at binitiwang salita na magtatrabaho siya nang husto dahil sa tiwala na muling ipinagkaloob sa kanya ng ating mga kababayan.
Naniniwala ako na lalong mas magiging mahusay na senador si Bong at paglilingkuran ng lubos ang mga Pilipino.
Pres. Duterte na-late dahil sa masamang panahon?!
Delayed ang State of the Nation Address (SONA) ni President Rodrigo Duterte dahil 5 pm na siya nang dumating sa Batasang Pambansa.
Hindi nasunod ang plano na magsimula ng 4 pm ang kanyang SONA.
Walang ibinigay na dahilan sa late arrival ni Papa Digong pero may mga hinala na may kinalaman ang masungit na panahon.
Baka hinintay muna raw ni Papa Digong at ng mga aide nito na huminto ang ulan bago sila sumakay sa helicopter na nagdala sa kanila sa Batasang Pambansa mula sa official residence niya sa Malacañang Palace.
At dahil hindi nagsimula sa oras ang State of the Nation Address ni Papa Digong, napanood pa ng televiewers ang episode kahapon ng Dahil sa Pag-Ibig, ang afternoon soap ng GMA 7.