Ewan ko ba kung bakit kapag nakikita ko ang mga dating kasamahan ko sa Startalk, melancholia ang feeling ko.
‘Yun bang parang excited ka at ang saya-saya ng batian kaya kung minsan ang feeling mo, parang kahapon lang may Startalk pa.
Iba talaga kapag matagal kayo na nagsama, nag-umpisa pa lang sila na magtrabaho na mga binata at dalaga, ngayon, may mga asawa at anak na ‘yung iba.
Nakita ko ang pagkakaiba ng mga ugali nila at ang kanilang mga growth. Sabi ko nga more than the financial loss sa pagkawala ng programa, mas masakit ang feeling ng finally cutting the string of togetherness at ang final goodbye sa regular meetings.
Up to now, when you see your team, naroroon ang emotional ties with them. Nakakatuwa na babatiin ka ng ‘Nay Lolit’, nakakatuwa na naging inaanak ko sa kasal ‘yung iba, nakakatuwa na nandiyan pa rin sila, may mga trabaho na pinagkakaabalahan, puwedeng tawagan at pakiusapan kapag may ipagagawa ako sa kanila.
I love my Startalk team, the more than 20- years of being together, sila na ang second family ko. Meron siguro sa kanila na mas love ‘yung iba na kasama naming sa show pero sure ako na mas lamang ang boto ko ‘di ba Belinda, Buboy at Archie? Love you!
Nakikiramay nga pala ako sa mga naulila ni Val Villafuerte, ang former set designer ng Startalk na sumakabilang-buhay noong July 16 dahil sa cardiac arrest.
Mataray ang image ni Val at maraming emote sa buhay pero mabait siya at masaya na kasama.
Natatandaan ko na isinama ko noon si Val at ang ibang staff ng Startalk sa Bangkok pero pagdating namin sa Bangkok Palace Hotel, nataranta siya dahil ibang maleta ang nadampot niya. Nang buksan ni Val ang maleta, mga damit ng baby ang laman.
Tensed na tensed si Val nang bumalik sa airport ng Bangkok. Worried siya na naghahanap din ang tunay na may-ari ng maleta na basta na lamang niya kinuha dahil kaparehung-kapareho raw ng kanyang luggage.
Si Val din ang set designer ng Walang Tulugan kaya naging BFF siya ni Kuya Germs.
Na-cremate na ang mga labi ni Val at sa mga gustong makiramay, nagsimula kahapon, July 18, ang lamay para sa kanya sa 2nd floor ng Molave Chapel sa Funeraria Paz Sucat (inside Manila Memorial Park), Parañaque City.
Hanggang sa 12 noon ng July 21 ang burol ni Val pero hindi pa sinasabi ng kanyang pamilya ang lugar ng inurnment ng cremated remains niya.
Pacman superstar na superstar pa rin sa Vegas
In fairness, mainit pa rin ang pagtanggap kay Senator Manny Pacquiao nang dumating siya sa MGM Grand sa arrival ceremony para sa kanila ni Keith Thurman, ang American boxer na makakalaban niya sa July 20 ( July 21 nang umaga, Philippine time ).
Superstar pa rin ang treatment kay Papa Manny ng boxing fans, mga Pinoy at foreign na inabangan at pinagkaguluhan ang pagdating niya sa MGM Grand noong Martes.
Siyempre, si Papa Manny ang bet ng lahat na mananalo sa boxing match nila ni Keith, kahit marami ang nagsasabi na matamlay ang mga publicity para sa kanilang laban dahil “the who” si Keith sa karamihan.