DZRH 80 taon na!

Wow 80 years old na pala ang Manila Broadcasting Company ng DZRH na ipinagdiwang nila noong July 15,  2019.

Binigyang-diin ng istasyon ang pagiging handa nitong sakyan ang hamon ng teknolohiya sa panahon ng social media, habang tinatanaw pa rin ang tagumpay na inani nito sa loob ng walong dekadang pagsasahimpapawid sa radyo.

Nagsimula ang DZRH bilang news and music station ng Heacock Department Store  sa Escolta noong 1939. Live lahat ang pag-awit sa radio noon, at regular na  itinampok sa himpapawid ang ilang mga bituin ng telebisyon at pinilakang tabing.  Halos lahat ng uri ng programang kinagisnan ng kabataan sa telebisyon ngayon ay itinampok na sa DZRH noon, gaya ng mga singing competition, mga quiz show, spelling contest, at maging mga sitcom tulad ng sikat na Tang-Ta-Rang-Tang.

Sa istasyong ito rin nagsimula ang mga drama sa radyo, sa pangunguna ng Gulong ng Palad na nilikha ni Lina Flor noon pa’ng 1949. Bukod sa popular na programa ng yumaong si Tiya Dely, ilan pa’ng mga palatuntunan ng DZRH ang isinalin din sa pelikula at tinangkilik ng madla.

Subalit sa larangan ng pagbabalita at public service, sadyang nakaukit sa puso ng sambayanang Pilipino ang DZRH.

Ang kanilang mga komentarista tulad ng mga yumaong Joe Taruc, Louie Beltran, Paeng Yabut at iba pa ay masusing nagmatyag at naging bahagi ng pagbubunsod ng mga pagbabago sa ilalim ng iba’t ibang administrasyon mula pa sa panahon ni Pangulong Manuel L. Quezon hanggang sa kasalukuyan. Nangunguna at inaasahan din ang DZRH ng ordinaryong mamamayan, lalo na ng mga mahihirap o biktima ng iba’t ibang kalamidad at karahasan, sa ilalim ng Operation Tulong.

Kaya’t sa malaking pagdiriwang ng kanilang ika-80 taon sa himpapawid, magkakaroon ng job fair sa SM Megatrade Hall sa July 24 at 25  bilang tulong sa mga nangangailangan ng trabaho.

Show comments