Napapanood na ngayon sa iWant ang original series na Ang Babae Sa Septic Tank 3 The Real Untold Story of Josephine Bracken na pinagbibidahan ni Eugene Domingo.
Matatandaang pumatok sa takilya noong 2011 ang Ang Babae Sa Septic Tank at Ang Babae Sa Septic Tank 2 noong 2016. “Siyempre uso ngayon ‘yung mga series na ganyan. Ngayon kailangan updated tayo, kailangan sumasabay. Kailangan din natin ma-reach ang mas maraming tao,” nakangiting bungad ni Eugene.
Si Tony Labrusca ang katambal ng komedyana sa nasabing digital series na gumanap naman bilang hunk Jose Rizal. “Si Tony Labrusca ang sarap niya panoorin pero tawang-tawa agad eh. Ang hilig niyang tumawa pero nung sinabi ni direk na kailangan intense na tayo dito, na-deliver naman niya ang dramatic demands,” paglalahad ng aktres.
Samantala, pagdating naman sa buhay pag-ibig ay masayang-masaya raw ang relasyon ni Eugene at ng kanyang foreigner boyfriend. Ayon sa komedyana ay nakikita na rin niya ang sarili na haharap sa dambana balang araw. “Lahat naman tayo nangangarap ng kapayapaan pagdating sa aspeto ng settling down. But as of this moment I’m very happy and I’m very thankful na ayun na nga,” natatawang pagtatapos niya.
Daniel nakaranas taguan si Kathryn!
Aminado si Kathryn Bernardo na talagang nahirapan siya sa shooting ng pelikulang Hello, Love, Goodbye sa Hong Kong sa loob ng isang buwan. Katambal ng aktres sa nasabing proyekto si Alden Richards.
Pinagbawalan umano si Kathryn na gumamit ng cellphone ng direktor na si Cathy Garcia-Molina habang ginagawa ang pelikula. “Sinabi na lang namin basta mag-update-an palagi ‘pag sa mga shoot. Eh kinonfiscate ‘yung phone ko,” kuwento ni Kathryn.
“Ang rule ko sa kanya, lahat pwede mong gawin. Pwede siya magalit sa ‘kin, pwede niya ako murahin. She can do everything except walk out,” pahayag naman ni Direk Cathy.
Pinagbawalan din ng batikang direktor ang mga kasamahang artista na kausapin si Kathryn habang nasa Hong Kong ang kanilang buong grupo. “Noong first week ko, ‘yon ‘yung sinabi ko na umiiyak ako every night. Gusto ko magpa-book ng ticket pauwi. Ayoko nang tapusin ‘yung movie kasi hirap na hirap na ako,” pagbabahagi ng aktres.
Matatandaang bumisita rin ang kasintahang si Daniel Padilla sa Hong Kong upang sorpresahin si Kathryn. Kinailangan pa raw na itago ang aktor sa dalaga noong una para hindi magbago ang emosyon ni Kathryn sa isang eksena. “Noong pumunta siya medyo heavy scene po noon. So ginawa nila, tinago siya sa akin,” dagdag pa ng dalaga. Mapapanood na sa mga sinehan ang Hello, Love, Goodbye simula July 31. (Reports from JCC)