MMFF gagawing dalawang beses sa isang taon
Apat na script ang in-announce na kahapon na pasok sa Metro Manila Film Festival 2019.
Isang script bawat genre ang pinili nila bilang sagot sa mga nagtatanong bakit hindi napili ang ibang isinumite na pinagbibidahan ng ilang box-office stars.
Sa fantasy, pasok ang Momalland nina Vice Ganda at Anne Curtis. Sa drama naman ay ang Pinoy adaptation ng Viva Films na Korean film na Miracle in Cell #7 nina Aga Muhlach at Nadine Lustre.
Ang Mission Unstapabol: The Don Identity nina Vic Sotto at Maine Mendoza sa comedy, at ang (K)Ampon ng Quantum Films nina Kris Aquino at Derek Ramsay naman ang sa horror.
Paliwanag ng ilang nasa Screening Committee, kinukunsider nila ang commercial viability at Filipino Cultural Sensibility ng bawat entry.
Pero nakakasa na ang ibang entry gaya ng Momalland nina Vice Ganda at Anne na nagsimula nang mag-shooting.
Ang pagkakaalam ko, nasa pre-production na rin ang kay Coco Martin kasama si Jennylyn Mercado. Sana i-submit nila ito sa finished films.
Marami pa ang inaasahang magagandang material tampok ang mga kilalang artista, gaya ng Mindanao ni Judy Ann Santos, ang Isa Pang Bahaghari ni Nora Aunor, ang The Heiress ni Maricel Soriano, ang It It ni Robin Padilla, ang Magikland ni direk Peque Gallaga at marami pa.
Dumalo rin kahapon sa announcement na ginanap sa tanggapan ni Chairman Danny Lim ng MMDA ang miyembro ng Executive Committee ng MMFF na si Sen. Bong Go at Cong. Dan Fernandez.
Binanggit na rin doon ni Sen. Go na sisikapin daw nilang next year ay magiging dalawa na ang Metro Manila Film Festival.
Tuwing MMFF ay nanonood daw talaga siya, kaya nga napapanood daw niya ang lahat na Shake, Rattle & Roll. Kaya mas maganda raw at malaking tulong din sa lahat na nagtatrabaho sa pelikula kung magkakaroon ng dalawang MMFF taun-taon.
Kung matutuloy ito, sana hindi magkaroon ng conflict sa Pista ng Pelikulang Pilipino ng FDCP.
Dingdong mega proud sayang daw, marian ibinahagi ang sobra-sobrang gatas!
Proud na proud si Dingdong Dantes sa ginagawa ngayon ni Marian Rivera, ang pagdo-donate ng sobrang gatas niya para sa mga nanay na hindi gaanong makapag-produce ng sapat na gatas sa kanilang sanggol.
Nakita ko ang video na ipinost ng isang kaibigan ng mag-asawa na kung saan abala si Dingdong sa pag-pack ng mga naipong gatas ni Marian.
Katulong din ang anak nilang si Zia na naglalagay ng mga yelo sa ice chest at sinasabi ni Marian, sayang din naman daw ang mga sobra niyang gatas kaya nag-donate na siya.
“Sobrang dami eh,” pakli ni Marian. “Alam kong marami ang nangangailangan, at hindi lahat na mga mommy makapag-produce ng ganito kadami. Kaya gustung-gusto kong i-share ang milk ko sa mga nangangailangan,” dagdag niyang pahayag.
Nasa video na iyun na sinasabi ni Dingdong na lahat yun galing kay Marian.
Kaya nga ipinost ni Dingdong sa kanyang Instagram kung gaano siya ka-proud sa kanyang asawa.
Dagdag naman na achievement ni Dingdong ay ang pagpili sa kanya bilang bagong brand ambassador ng Caltex sa kanilang National Geographic Record Rides event na ginanap sa Blue Leaf Filipinas Belle Avenue sa Parañaque kahapon.
Nababagay daw sa Kapuso Primetime King ang tagline na ‘Enjoy the Journey’.
Pero ang pagiging adventurous ay talagang na-enjoy nang husto ni Dingdong lalo na’t nakakapag-ikot siya sa mga pinupuntahan nila para sa programa niyang Amazing Earth.