Matteo Guidicelli ‘napaiyak’ nang parusahan sa scout ranger training

“Sa first week ko doon, pinatusok ulo ako doon. Lumabas 'yung luha ko doon. Umiyak talaga ako noong una," sabi ni Matteo Guidicelli sa panayam sa “Magandang Buhay” ng ABS-CBN. 
Instagram/Matteo Guidicelli

MANILA, Philippines — Napaiyak si Matteo Guidicelli sa unang linggo ng kanyang isang buwang pagsasanay bilang scout ranger ng Philippine military sa Camp Tecson.

Bago maging reserve officer second lieutenant, naparusahan si Matteo sa unang linggo sa Camp Tecson ng San Miguel, Bulacan.

Naluha ang 29-anyos na Cebuanong aktor sa pinagawa sa kanya.

“Sa first week ko doon, pinatusok ulo ako doon. Lumabas 'yung luha ko doon. Umiyak talaga ako noong una," sabi ni Matteo sa panayam sa “Magandang Buhay” ng ABS-CBN. 

Aminado naman ang aktor na hindi talaga siya nasanay sa kahirapan ng buhay, kung kaya't malaking pagbabago ang kinailangan upang mapagtagumpayan ang pag-eensayo bilang scout ranger.

“Noong nandoon ako, napagtanto ko talaga na hindi ako sanay sa hirap ng buhay. Pero napagpakumbaba ako noong pangyayaring ‘yon. Napagtanto ko yung simple at mahahalagang parte ng buhay,” wika ni Matteo sa Ingles sa isang panayam ng The STAR. 

Ang scout ranger ay isang sundalong hinasa para sa anti-guerilla jungle warfare, raids, ambushes, close quarters combat, urban warfare at pananabotahe.

Matapos ang isang linggo, dinalaw naman siya ng kanyang pamilya at nobyang si Sarah Geronimo.

“Buti dumalaw sila after a week, so emotionally stable na ko. Dumalaw sila, so pina-tour ko sila sa ranger camp at talagang na-shock sila kasi iba e,” dagdag pa niya.

Bago maging scout ranger, si Matteo ay isa na ring reservist ng Armed Forces of the Philippines na tinatawag sa oras ng kalamidad at kagipitan. — Philstar.com intern Blanch Marie Ancla

Show comments