Marami nga ang nagulat at nagtaka sa desisyon ni Sen. Manny Pacquiao na sa ABS-CBN niya ibinigay ang exclusive coverage at telecast ng laban nila ni Keith Thurman na gaganapin sa July 20 sa Las Vegas, Nevada.
Ang latest na narinig namin, nagtampo ang big bosses sa desisyong iyon ni Sen. Pacquiao kaya baka tatapusin na raw ang weekly program niyang Stories for the Soul na napapanood tuwing Linggo nang hapon.
Mismong si Sen. Pacquiao na kasi ang nagpu-produce ng mga laban niya kaya sa kanya na ang desisyong ito.
Bakit nga ba sa ABS-CBN na ito ngayon?
Noon pa man ay nasa GMA-7 na ito at maganda naman ang kinalabasan.
Kahit papaano, may coverage naman ang ibang TV network, kaya wala namang problema noon pa.
Pero may tsika kasing na-disappoint daw ang boxer/senator sa ilang bagay sa GMA-7. Pero hindi pa malinaw ito, kaya ewan ko lang kung magsasalita siya tungkol dito.
Pagdating naman sa programa niya sa GMA-7, narinig na namin noon na tsutsugihin na talaga ito.
Hindi nga lang kinumpirma ng mga taga-GMA-7, pero may tsika noon pa na isa ito sa tatanggalin dahil hindi naman gaanong nagri-rate.
Kaya abangan na lang natin kung tuluyan nang lisanin ni Sen. Pacquiao ang Kapuso network at magiging Kapamilya na siya.
Pero siyempre, ang mas concern natin ngayon kung mapapanatili ba ni Sen. Pacquiao ang kampeonato, at matalo nito si Thurman.
Cesar 1.2 milyong tao ang naging extra sa ginagawang pelikula!
Si Cesar Montano ang isa sa narinig naming naka-schedule nang lumipad
pa-Amerika para sumuporta sa laban ni Sen. Pacquiao.
Pero tatapusin muna ng actor/director ang pelikulang Kaibigan, isang inspirational movie na pagbibidahan ng kambal na sina Jesse at at Christian Perkins.
Tampok sa pelikulang ito si Stephen Baldwin na kung saan ang magulang nung kambal ang nag-produce.
Sa shooting nga ng pelikulang ito na dinalaw namin nung nakaraang Huwebes, nabanggit sa amin ni Cesar na tuluy-tuloy na rin ang pagdidirek niya.
Meron pa pala siyang ginawang pelikula ni Pastor Joel Apolinario ng kontrobersyal na Kapa Ministry Community International.
Sa General Santos City daw sila nag-produce at nagulat daw siya sa dami ng miyembro nito.
Nung shooting nga raw nito sa Gensan, humingi raw siya ng maraming members na sasali sa isang malaking eksenang kukunan.
Crowd scene daw ito na kung saan kailangan daw niya ng napakaraming tao.
Tinanong daw siya ng taga-Kapa kung ilang milyon ang kailangan. Nagulat si Cesar sa tanong na iyon kaya sinabi raw niyang at least 500 thousand o hanggang isang milyong tao para maipakita raw na talagang napakaraming tao.
Hindi raw siya makapaniwalang hindi lang isang milyon kung hindi umabot ng 1.2 milyon ang taong dumating kaya napuno raw ang halos buong Gensan.
Hindi raw siya makapaniwalang maka-gather ng ganun kadaming tao. Kaya doon daw niya nakita na napakarami raw pala talagang miyembro itong Kapa.
Hindi pa masabi sa ngayon ni Cesar kung matatapos nila ang pelikulang ito dahil sa kinasangkutang kontrobersya.