With the growing interest sa bagong loveteam ng Pinoy Big Brother housemates na sina Gino Roque at Kiara Takahashi, mas dumarami pa ang nagkakainteres na sumali sa reality show na ito sa pag-asang makakahanap din sila sa show ng kanilang makakapartner in real life. Gaya nina Jason Francisco at Melai Cantiveros na malusog pa rin ang marriage makaraan ang mga balitang hindi sila nagkakaayos at, lately, nina Lou Yanong at Andrei Broullitte na nakakatatlong buwan na ng kanilang relasyon na nagsimula sa PBB.
Danilo Barrios mas priority ang mga negosyo kesa sa pagbalik sa showbiz
Inamin ng matagumpay nang business entrepreneur ngayon at dating miyembro ng sikat na dance group na Streetboys na si Danilo Barrios na madalas ay nami-miss niya at naiisip niyang balikan ang pagsasayaw, pero hindi raw niya maiwan ang kanyang kabiyak na si Regina Regs Soqueno na mag-isang namamahala ng patuloy na lumalakas nilang mga negosyo tulad ng Tatio Active na isang beauty and wellness center na marami nang branches ngayon.
Madalas na dinarayo ang branch nila sa Scout Castor QC lalo’t naka-display sa labas ng center ang mga standees ng kanilang endorsers na sina Ruru Madrid, Kris Bernal at Sugar Mercado.
Kung tutuusin ay puwede namang sila na mismo ang mag-endorse ng sarili nilang produkto, pero mas pinili nilang kumuha ng iba para mas mapasikat pa ang mga ito.
Bukod sa wellness center, meron din silang store ng mga alahas, another beauty center at furniture store.
Sa sipag ni Danilo ay mabilis na lumaki ang bilang ng mga kliyente nila.
Samantala, hindi naman pansin ang pagtaba niya dahil guwapong-guwapo pa rin ito.
Sa isang farm sa Tarlac sila ngayon naninirahan ng asawa kasama ang kanilang tatlong supling. Hindi naman daw nami-miss ni Danilo ang mga dating kasamahan sa Streetboys, bagama’t ang iba sa mga ito ay nasa abroad na, madalas naman daw niyang makausap sina Jhong Hilario at Vhong Navarro.
Tungkol naman sa kanyang pagbabalik sa showbiz, payag naman daw ang kanyang asawa. Pero mas gusto niyang tutukan ang kanilang negosyo at pamilya.
Paglilinis ni Mayor Isko, maraming apektado
Kahit marami ang naapektuhan sa ginawang clean up ni Mayor Isko Moreno sa Maynila na sinimulan niya na sa pangalawang araw pa lang ng kanyang pagkakaluklok sa puwesto, mas marami ang naka-appreciate sa pagtupad niya sa kanyang ipinangako para sa lungsod.
Lumuwag ang traffic sa panig na iyon ng Maynila at nagkaroon ng daraanan ang mga tao na dati ay sa gitna ng kalsada naglalakad.
Sa kalaunan ay maiintindihan din ng illegal vendors ang layunin ng bagong ama ng lungsod at suportahan ang magandang layunin nito para na rin sa kanila at lahat ng Manilenyo.
Miss Tourism naghahanap ng mga kandidata
Tinanong ko ang nagtataguyod ngayon sa isang beauty contest, ang Miss Tourism Queen International Philippines na si Vic Torre na nakatatlong taon nang nagsasagawa ng naturang paligsahan ng kagandahan kung saan ang mga kalahok sa national pageant ay kinukuha sa mga rehiyon ng bansa at ipinadadala sa China.
Curious ako kung may pera bang involved sa ganitong endeavour at nababawi ba niya ang pera na ipinaluluwal niya para lamang meron tayong maipadalang kalahok at kung sakali ay maging Miss Tourism Queen International. Wala pang malinaw na sagot dito si G. Torre, ang mahalaga sa kanya ay nari-recognize ang marami pa nating mga magagandang Pinay na walang kakayahan na dumayo ng Maynila para makaranas na sumali sa beauty contest.
Ngayon may tsansa na sila sa tulong ng mga LGUs nila. May winners na tayo sa mga international pageants gaya ng Miss Universe, Internatonal, Globe International, Asia Pacific International, atbp. pero wala pa sa Miss Tourism Queen International.
Ang pinakamalapit na naabot natin sa pakontes na ito ay Miss Charity na nasungkit ni Cheska Loraine Kai Apacible na kababalik lamang nung July 2 mula China.
After her reign, susubok siya sa pag-aartista. Twenty one years old pa lamang siya at college graduate sa isang business course, naging Miss Batangas at matagal nang may crush kay Paulo Avelino. Pipili na ng bagong Miss Tourism International Philippines sa buwan ng August kaya libre nang mag-artista si Kai.
Mga artista sa May sala… mas gumaganda ang career
Maganda ang epekto ng Sino ang May Sala… sa mga artista nila. Tulad ni Kit Thompson na dumami ang projects. Ganundin si Tony Labrusca na kasali na sa satire project na ang Babae sa Septic Tank 3 na bida si Eugene Domingo hindi pa man nagtatapos ang SAM. Si Bela Padilla, nakitang effective palang kontrabida at si Jay Manalo. Pero, ang may pinaka-malaking benepisyo na nakukuha sa serye ay si Jodi Sta. Maria na mas na-establish pa ang pagiging mahusay na artista.