SEEN: Nagluluksa ang former actress na si Kristine Garcia dahil sa pagpanaw ng kanyang nanay na si Vivian Lorraine noong June 22, 2019. Kanser sa baga ang ikinamatay ni Vivian na dating aktres din noong dekada ’60. Binawian ng buhay si Vivian sa Las Vegas, Nevada at sa July 6 ang memorial service para sa kanya. Masakit na masakit ang kalooban ni Kristine kaya hinihingi nito ang tulong ng Diyos para maging magaan ang pakiramdam niya.
SCENE: Ang balita na may plano si Senator Bong Go na ibalik ang Manila Film Festival sa susunod na taon bilang suporta niya sa Philippine movie industry. Binalak ni former Manila City Mayor Joseph Estrada na ibalik ang Manila Film Festival sa panahon ng kanyang panunungkulan pero pinayuhan siya ng mga nagmamalasakit na kaibigan na huwag nang ituloy ang plano niya dahil ibang-iba na ang sitwasyon ng local movie industry.
SEEN: Totoo ang leakage ng listahan ng walong pelikula na official entries sa Pista ng Pelikulang Pilipino na magaganap sa September 2019. Mga indie movie ang karamihan sa mga opisyal na kalahok sa Pista ng Pelikulang Pilipino.
SCENE: Muling nagtagpo sina President Rodrigo Duterte at Matteo Guidicelli noong Miyerkules sa Camp Navarro General Hospital sa Zamboanga City. Dinalaw ni President Duterte ang mga sugatan na sundalo na naka-confine sa nabanggit na ospital at kabilang ang Scout Ranger reservist actor sa mga sumalubong sa kanya.
SEEN: Hindi itinatanggi ng event host at author na si Bianca Valerio na sumailalim siya sa liposuction procedure kaya mabilis niya na na-achieve ang pagkakaroon ng sexy na katawan. Si Dra. Vicki Belo ang secret weapon ni Bianca dahil ang popular beauty doctor ang nagsagawa sa kanya ng liposuction.
SCENE: Mainit ang pagtanggap ng publiko sa balita na magkakaroon ng Tagalog adaptation ang blockbuster Korean movie na Miracle at Cell No.7 at pagbibidahan ito nina Aga Muhlach at Nadine Lustre. Ang Viva Films ang producer ng Miracle at Cell No.7 na balak isali sa 2019 Metro Manila Film Festival.