Mahigit 100 na raw ang block screening na ipina-schedule ng fans nina Kathryn Bernardo at Alden Richards para sa pelikulang Hello, Love, Goodbye na nakatakda nang i-showing sa July 31.
Matindi nga ang promo ng Star Cinema na mahigit isang buwan ang paghahanda.
Nakipag-meeting pa ang mga taga-Star Cinema sa mga opisyal ng fans club nina Kathryn at Alden, pati ang AlDub at KathNiel.
Tulung-tulong sila sa pagsuporta para maganda ang kalabasan sa box-office.
Doon nga raw sa meeting ay ipinakita na sa kanila ang full trailer at lalong na-excite ang fans lalo na ang mga supporter ni Kathryn.
Matindi naman kasi talaga ang hirap na pinagdaanan ni Kathryn sa pelikulang ito.
Isang domestic helper ang trabaho niya at talagang dumaan ang Kapamilya actress sa matinding immersion.
Bawal siyang makipag-usap sa set at lahat siya ang pinapagawa, para maramdaman niya ang hirap ng isang domestic helper na nagtatrabaho sa Hong Kong.
Nakasama namin kahapon sa Piña Festival sa Ormoc City si Joross Gamboa at naikuwento niya sa amin kung anong hirap ang pinagdaanan ni Kathryn sa pelikulang iyun.
Ani Joross; “Si Kathryn yung talagang pinahirapan ni direk na kahit ako bawal ko siyang kausapin.
“Si Kath nga minsan nagaganyan sa akin na kausapin n’yo naman ako.
“Minsan, sinasadya rin namin pag nagkagrupo kami, hindi namin siya isinasama sa usapan. Iyun kasi ang karakter niya na hindi siya nagsi-share, hindi nag-o-open sa mga kaibigan. Nandun lang siya, nakikinig…hanggang ganun lang ang puwede sa kanya.
“Ang gusto pa nga ni direk Cathy wala siyang kasama dapat sa kuwarto, na siya ang magluluto ng sarili niyang breakfast, iyun talaga ang gusto ni direk originally. Hirap siya talaga.”
Kaya ibang Kathryn daw talaga ang mapapanood dito at hoping sila na magustuhan at maganda ang kalabasan nito sa takilya.
Pero secret muna bagong darna nahagilap na
Totoo kaya ang nakarating sa aming kuwentong may napili na raw ang Star Cinema ng gaganap na Darna?
Ang buong akala namin, kiyeme lang yung ipinapatawag nilang audition dahil si Nadine Lustre na raw talaga ang gusto nilang gumanap na siyang papalit kay Liza Soberano. Hindi pala.
Hindi naman napabalitang nagpa-audition si Nadine, kaya hindi siya ang gaganap.
Ang dinig lang namin, hindi kilala at nagsu-support lang daw sa ilang soap ang magandang aktres na napili nila.
Nagsisimula na nga raw itong mag-training dahil kailangan na rin daw magsimulang mag-shoot si direk Jerrold Tarog.
Pero talagang tagung-tago raw at iilan lamang ang nakaalam kung sino ang napiling gaganap na Darna.
Abangan na lang natin ang announcement ng ABS-CBN sa malaking proyektong ito.
Heart, Cherie, at Jose nagkainitan!
Nakumpleto na kagabi sa Starstruck ang Final 14 at talagang dumaan sa matinding deliberations ang Starstruck Council na sina Heart Evangelista, Cherie Gil at Jose Manalo.
Minsan, nagkakainitan na nga raw sila sa pagtatalo dahil may kanya-kanya silang gusto. Pero ang ending, maganda naman ang line-up ng mga kabataang nakapasok sa Final 14 ng Starstruck na nasa Season 7 na.
Nung nakaraang linggo ay may pito na silang napili.
Nung nakaraang Sabado ay tatlo ang ipinasok at isa na nga rito ang 18-year old sister ni Ruru Madrid na si Rere Madrid.
Proud na proud nga si Ruru na ipinost sa kanyang Instagram account kung gaano siya ka-proud sa pagpasok ni Rere sa Final 14.
Pasok din ang taga-Laguna na si Jeremy Sabido na na-feature minsan ang kuwento ng buhay niya sa Magpakailanman na kung saan in-adopt siya ng magdyowang bading.
Pasok din sa final 14 ang taga-Sampaloc na si Lexi Gonzales, 19 years old na may autistic brother na gusto niyang ipagpapatuloy ang pagpapa-therapy nito.
Kagabi ay nakumpleto ng apat na hopefuls na sina Shayne Sava, Ella Cristofani, Allen Ansay at si Jerick Dolormente na tinawag nilang si Bukol King dahil sa mga pabukol na mga litrato niyang ipinu-post sa kanyang social media account.
Ang unang pitong finalists na nakapasok ay sina Pamela Prinster, Dani Porter, Angelic Guzman, Abdul Rahman, Karl Aquino, Kim de Leon, at Gelo Alagban.
Marami pang detalye ng Starstruck ang puwede nating subaybayan sa Inside Starstruck sa You Tube nito na hinu-host ni Kyline Alcantara.