Eddie nanatiling simple at humble!
Tiyak na masayang-masaya ngayon ang movie and TV icon na si Eddie Garcia sa kanyang kinaroroonan dahil sa ipinakikitang pagmamahal sa kanya hindi lamang ng mga taga-industriya at nakatrabaho niya sa loob ng pitong dekada kundi maging ang mga taong hindi niya kilala lalung-laluna na ang kanyang fans and silent supporters.
Eddie lived his life to the fullest. The only actor who was actively working at age 90 hanggang sa hindi inaasahang aksidenteng nangyari sa kanya nung umaga ng June 8, 2019 sa actual taping ng kanyang ginagawang action-drama series for GMA, ang Rosang Agimat sa Tondo, Manila na naging sanhi ng kanyang pagiging comatose sa loob ng dalawang linggo hanggang sa tuluyan niyang pamamaalam nung alas-4:55 ng hapon sa ICU ng Makati Medical Center nung nakaraang Huwebes, June 20.
Sa loob ng 70 taon, ipinakita ni Eddie ang tunay na kahulugan ng professionalism at pagiging passionate sa kanyang trabaho bilang actor at director kaya naman ito’y sinuklian ng pagmamahal ng industriya sa pamamagitan ng hindi na halos mabilang na mga parangal na kanyang tinanggap bilang actor at director.
Sinimulan ni Eddie ang kanyang showbiz career in 1949 sa pamamagitan ng pelikulang Siete Infantes de Lara but was shown in 1950. Ito’y mula sa pamamahala ng actor-director at producer na si Manuel Conde na siya ring pangunahing bida ng pelikula at siya rin ang nag-produce. Nakasama rin sa pelikula sina Mario Montenegro, Elvira Reyes, Romano Castellvi at iba pa.
Ang kauna-unahang pelikulang dinirek ni Eddie ay ang Karugtong ng Kahapon in 1961 na tinampukan ng mga yumaong actors na sina Mario Montenegro, Rita Gomez Ric Rodrigo at Marlene Dauden kasama sina Carlos Salazar, Rosa Mina, Zeny Zabala, Totoy Torente at iba pa.
Si Eddie lamang ang natatanging artista at director na nakapag-uwi ng mahigit 20 awards mula sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) sa magkakaibang kategorya. Limang Best Actor, anim na Best Supporting Actor, 5 Best Director, tatlong Hall of Fame (for Best Actor, Best Supporting Actor at Best Director), Lifetime Achievement Award at ang Fernando Poe, Jr. Memorial Award. Nakuha niya ang kanyang unang Best Actor FAMAS award nung 1957 at huling Hall of Fame Award bilang Best Actor nung taong 2003.
Mahigit 40 parangal ang tinanggap ni Eddie sa loob ng 70 taon niyang pamamalagi sa industriya bilang actor at director at kasama na rito ang isang award sa Asia Pacific Film Festival, dalawang Asian Film Awards, dalawang Cinemalaya Philipine Independent Film Festival, isa sa Cinemalaya International Film Festival, tatlo mula sa Gawad Urian, tatlo sa Golden Screen Awards ng Entertainment Press, dalawa sa Metro Manila Film Festival, Icon Award mula sa Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) at isang special award mula sa ika-35th Star Awards for Movies bilang isa sa Mga Natatanging Bituin ng Siglo (Outstanding Stars of the Century) but never won any acting award sa nasabing award-giving body. Ang nasabing parangal ay siyang kahu-hulihang award-giving body na dinaluhan ni Eddie nung nakaraang June 2, 2019.
Sa kabila ng kanyang estado bilang actor at director, lately na lamang siya kumuha ng personal driver pero nung kalakasan ng kanyang katawan ay mag-isa siyang nagmamaneho sa kanyang sasakyan at walang alalay na kasama. Siya rin ang personal na nagbibitbit ng kanyang mga gamit sa shooting. Ganoon siya ka-simple at ka-humble. Wala rin siyang manager ever since at siya mismo ang personal na nakikipag-negotiate at nagbibigay ng kanyang schedule.
Kilala rin si Eddie na madaling lapitan at hindi kailanman nagkaroon ng star complex at parating maagang dumating sa set. Mahusay din siyang mag-adlib either sa pelikula o TV series at madalas nitong sinasabi na `he always take everything in moderation’ na siya niya umanong sikreto sa kanyang longevity sa showbiz.
Up to the very end ay nagtatrabaho si Eddie sa edad na 90 kung hindi lamang ito na-aksidente sa taping ng isang bagong sisimulang serye ng Kapuso Network na siyang naging dahilan ng kanyang tuluyang pamamaalam.
Paalam sa isang alamat.
- Latest