Pinapantasyang aktor, maging astronaut ang pangarap

Sa biglang tingin ay wala ka nang hahanapin pa sa isang kilalang male personality. Napakaganda ng kanyang pangangatawan, matalino siya, magaling siyang umarte.

At bulag na lang ang magsasabing hindi siya guwapo. Siya ang iniilusyong makasama ng mga beki nang kahit ilang minuto lang. Siya rin ang gustong makarelasyon ng mga kababaihang kinikilig kapag nakikita siya.

Pero bakit kaya hindi kagandahan ang mga komentong naririnig natin pagkatapos nilang magkahiwalay ng kanyang karelasyon? Artista man o hindi ay parang may nasasabing hindi paborable sa pamosong male personality?

May kuwento ang a­ming source, ang sabi nito, “Kausapin n’yo man ang mga dati niyang karelasyon at siguradong makakarinig kayo ng mga hindi kagandahang kuwento tungkol sa male personality.

“Ikino-compare siya sa kotse. Magaling lang daw siya sa pag-arangkada, pero sa rektahang takbo, e, kinakapos na siya. Meaning, okey na okey sa umpisa ng relasyon, pero kapag nagtatagal na sila, e, du’n na lumulutang ang mga hindi kagandahan niyang attitude,” unang impormasyon ng aming source.

Totoo nga kaya na walang ibang mahal ang male personality kungdi ang kanyang sarili lang? Puro ang kanyang mga pangarap lang ang tutok ng aktor, wala na siyang pakialam sa iba, kaya hinihiwalayan siya ng mga nakakarelasyon niya.

Patuloy ng aming source, “’Yun talaga ang lumalabas, lahat ng mga nakarelasyon niya, e, ganu’n ang sinasabi. I love myself kuno ang motto ng hunk male personality.

“Nakakatawa nga, nu’ng minsang mala­sing ang isang ex niya, e, siya ang napagtripan. May nagtanong kasi sa girl kung bakit sila nag-break, e, ang tagal din naman ng itinakbo ng relasyon nila.

“Ang sagot ng girl, e, mahirap daw magka-boyfriend ng isang dreamer. Hindi raw kasi natatapos ang mga pangarap ng lalaking ganu’n!

“Ang sabi ng girl, ‘Naku, ‘no! Gusto niyang sumikat na artista, gusto rin niyang makilala siya sa field ng sports, gusto rin niyang maging piloto, at the height, gusto niyang maging astronaut!’

“Ay, nakakaloka naman pala kasi ang mga ambisyon ng lalaking ‘yun! Pati ibang planeta, e, gusto niyang marating! Kaya ayun, palagi na lang siyang hinihiwalayan ng girlfriend niya!

“Kaya naman pala kahit guwapo siya, matalino at magaling umarte, e, sa basurahan pa rin ang tuloy ng pakikipag­relasyon niya! Makasarili kasi siya, ‘yun lang ‘yun!” nakairap na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Kaso ni Cogie na may konek sa drugs dismissed na!

Miyerkules nang tanghali nang tawagan kami ni Cogie Domingo. Napakasaya ng kanyang boses, para siyang nanalo ng award sa tono ng kanyang pagsasalita, may maganda kasi siyang balita.

Mahigit na isang taon na ang nakararaan ay naging laman siya ng balita, kumakain lang sila ng kanyang misis sa kanilang kotseng naka-park sa tapat ng isang food chain, nang bigla silang hulihin ng mga pulis.

May tip daw kasing nakarating sa mga ito na sa kotseng ‘yun ay merong droga. Sinaliksik ng mga ito ang sasakyan, puro basura lang ang kanilang nakita, palyado ang nakuha nilang impormasyon.

Tabi-tabi sa mga otoridad na hindi nasasangkot sa pango­ngotong, pero kakaiba ang kuwentong naengkuwentro ng aktor nu’ng madaling-araw na ‘yun, para silang tindero at mamimiling nagtatawaran ng paninda.

Nagsimula ang tawaran sa five hundred thousand, nauwi ‘yun sa three hundred, nu’ng malapit nang sumikat ang araw ay two hundred thousand na lang ang pinag-uusapang presyo.

Ano ang maibibigay ni Cogie, samantalang wala nga siyang trabaho, tumutulong lang siya sa negosyo ng kanyang amang human rights lawyer.

Kinasuhan si Cogie Domingo, mahigit na isang taon din siyang nag-hearing, at nu’ng Miyerkules nga nang tanghali ay dismissed na ang kasong isinampa laban sa kanya.

Sabi ng guwapong aktor, “Ganito po pala ang feeling, ang sarap-sarap sa pakiramdam. Imagine, hearing ako nang hearing, mabuti na lang at nand’yan si daddy na hindi ako pinabayaan!”

Natural, nanay-nanayan niya kami na masaya pero kakambal nu’n ang pangangaral sa aming anak-anakan, sabi nami’y kailangan na niyang kalimutan ang nakaraan at pumokos na lang siya sa kanyang trabaho na sayang na sayang.

Magaling na aktor si Cogie Domingo, pero kapos siya sa disiplina sa oras, sa industriyang kinabibilangan niya ay nababalewala ang talento kapag hindi siya nagpakapropesyonal.

Opo lang siya nang opo. Harinawang galing ‘yun sa kanyang utak at puso at hindi sa ilong lang.

Show comments