Puro hagalpakan ang maririnig sa paligid. Apiran nang apiran ang mga nagpipista sa isang umpukan. Nagtatrabaho sila sa isang five-star hotel na madalas puntahan ng mga artista.
Maraming kuwento. May isang sikat na male personality na kapag nakikipagkita sa kanyang karelasyong sikat ding aktres ay patago. Ang basement elevator ang ginagamit niya para hindi na siya makita pa sa lobby ng hotel.
Ang girl naman ay may mga kasamang alalay, may props pa nga itong mga bata, pareho kasi silang pamilyado na ng sikat na male personality.
Nauunang umalis ang male personality kapag tapos na silang bumiyahe sa langit ng kaligayahan, kasabay ring umaalis sa hotel ng female personality ang kanyang mga anak at alalay, binigyan lang pala nito ng datung para mamasyal at manood ng sine sa kalapit na mall ng five-star hotel.
Pero dahil sa dalas ng kanilang pagkikita nang palihim ay kabisado na ng mga empleyado ang kanilang mga drama. Makaliligtas ba naman ‘yun sa pang-amoy ng ibang tao, samantalang pareho silang sikat, nagiging bida rin sila sa mga blind items?
Pero ang dahilan ng kanilang mga halakhakan ay ang mag-inang artistang nagdyi-gym sa kanilang hotel. Regular silang nag-eehersisyo kaya naman kahit may edad na si mommy ay sexy pa rin siya.
Kuwento ng isang miron sa umpukan, “Tasters ang tawag sa kanila ng mga taga-five-star hotel. Magana kasi ang taste buds nila. Pero hindi sila nagbabayad, tikim lang sila nang tikim sa buffet sa lobby!
“Pagkatapos nilang mag-gym, e, alam na ng mga naka-assign sa lobby buffet ang mangyayari. Pupunta du’n ang mag-ina, mga bagong paligo pa, tumutulo pa ang basang-basa nilang buhok!
“Basta, tusok lang sila nang tusok ng mga food na pang-breakfast. Pero take note, magana silang lumafang, ha? Nakakailang sausage din at ham ang mag-ina, sa totoo lang!
“Nakakaloka nga naman ang magnanay na ‘yun! Nagdyi-gym sila para mabawasan ang timbang nila, tapos, kain naman sila nang kain sa lobby buffet!
“Kaya wala rin! Para ano pa at gym sila nang gym kung kain naman pala sila nang kain, lalo na kapag libre lang!” humahagalpak na kuwento ng source.
Pero lahat sila’y nagsasabi na maganda ang ugali ng mag-ina, hindi sila maldita, palagi silang magiliw sa lahat at hindi sila namimili ng pakikisamahan.
“Lalo na ‘yung mother na may korona sa ulo, mabait siya, kaya okey lang na kumain sila nang kumain sa lobby buffet!” pagtatapos ng humahalakhak na impormante.
Ubos!
Dr. Rob Walcher may paalala sa mahilig magpatunog ng likod
Sa kritikal na kundisyon ngayon ni Tito Eddie Garcia na isang linggo nang comatose dahil sa aksidenteng naganap ay naaalala namin si Dr. Rob Walcher na isang magaling na chiropractor.
Ayon sa doktor ni Tito Eddie ay naapektuhan ng kanyang pagbagsak ang una at ikalawang cervical vertebrae niya. Karaniwan, sabi ng kanyang doktor, kapag ganu’n ang senaryo ay napaparalisado ang pasyente mula sa leeg pababa.
Sa mga nakaraan naming panayam kay Dr. Walcher na may kasama pang pagde-demo ay ganu’n mismo ang kanyang paliwanag. Ang spinal cord natin ang humahawak ng buong katawan natin, kaya kapag nabali o naapektuhan ang isa, malaki ang posibilidad ng pagiging paralisado.
Kaya nga pinaiiwasan ni Dr. Rob ang pagpapalagutok ng mga buto natin sa likod, maling-mali raw ang ganu’ng proseso, dahil kapag nabalian tayo ng buto sa spinal cord ay napakadelikado.
Naka-life support pa rin si Tito Eddie, pero bukas ang puso sa pagtanggap ng kanyang pamilya na kapag napugtuan na ng hininga o nag-flat line na ang magaling na aktor-direktor ay hindi na siya sasailalim pa sa kahit anong proseso.
DNR ang terminong ginagamit sa ganu’n, ibig sabihi’y Do Not Resuscitate, dahil nakakaawa ang pasyente sa paulit-ulit na pagkuryente sa kanyang katawan.
Lahat ng posibilidad, masakit man, ay tinatanggap na ng pamilya ni Tito Eddie. Pero patuloy pa rin ang taimtim na panalangin ng kanilang mga kaibigan at katrabaho sa industriya ni Tito Eddie Garcia para sa kanyang kaligtasan.