Hindi na-heart attack o na-aneurysm, Eddie Garcia nasa deep sleep matapos mapatid sa cable wire!

Eddie Garcia

Kaloka naman si Barbie Imperial. Nangu­nguna kahapon sa pakikiramay. Na-fake news siya sa kumalat kahapon ng umaga na umano’y namaalam na ang legendary actor na si Eddie Garcia. Nag-tweet si Barbie ng mga 8:00 a.m. kahapon at ang message : “It has always been my dream to work with the one and only oragon, Mr. Eddie Garcia. It’s so sad that he passed away. Rest in peace po sir, you are my inspiration. Truly an oragon.”

Grabe siya, hindi nagbabasa ng mga legit news. Huwag ganun.

Kahapon nga kasi ng umaga ay nagkalat sa social media ang fake news na pumanaw nga  raw ang award winning actor / director samantalang buhay na buhay pa ito at nasa intensive care unit ng Makati Medical Center.

May pa-obituary pa sila.

Anyway, late Saturday na nang nailipat sa Makati Medical Center ang veteran actor / director kasama ang pamilya nito kung saan isinakay siya sa ambulance mula sa Mary Johnston Hospital sa Tondo papunta ng Makati Med.

Ayon sa isang source, walang nangyaring heart attack, no aneurysm or anything na related sa brain. Tulad sa lumabas sa video, talaga raw natapilok ito sa cable wire, na-out of balance at nadapa na una ang mukha at na-fracture ang leeg habang nagti-taping para sa Rosang Agimat.

Hanggang sa sinusulat ito ay nasa critical condition pa raw si Eddie at nailipat na sa ICU room. Pagkadating daw nito ng Makati Medical Center ay inasikaso na agad ito ng kanyang personal doctor ayon pa sa isang malapit sa actor.

Inulit ng isang malapit sa actor na wala raw talagang heart attack katulad sa naunang napabalita o aneurysm. “Both did not happen at all,” ulit pa nito sa text message.

Puwede naman daw bisitahin sa ICU pero sa huling message ng malapit sa actor, nasa deep sleep pa rin ito at kailangan ng “more and more prayers.”

Nauna na kasing sinabi ng stepson ng actor na dumanas ito ng ‘severe heart attack’ pero bigla nang may kumalat na video nang actual na pangyayari.

Anyway, ayon sa huling statement ng GMA 7, pinag-aaralan na nila ang video na kumalat na napatid nga sa cable wire ng production si Mr. Eddie nang pumasok sa eksena na makikipagbarilan.

Narito ang kanilang statement :

 “The video of Mr Eddie Garcia faltering in his steps and eventually collapsing has reached GMA. We are seriously reviewing the said video as well as other videos of the same scene which our cameras also took, before we make any conclusions on what really transpired.

“The statement that was released earlier was given to GMA News by Nick, Mr. Eddie Garcia’s stepson. We will wait for the family or their doctor to issue a formal update on his condition.

Meanwhile, we continue to pray for his quick recovery.”

Nominees night ng 3rd Eddys sa sabado na!

Bago ang pinakahihintay na Gabi ng Parangal, magsasama-sama sa gaganaping nominees night ang mga nominado sa 3rd EDDYS (Entertainment Editors’ Choice) ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd).

Sa pakikipagtulungan ng Film Development Council of the Philippines (FDCP), bibigyan ng pagkilala ang lahat ng mga nominado sa paglalabanang 14 kategorya sa June 15, 6:30 p.m., sa Annabel’s Restaurant, Tomas Morato Avenue, Quezon City.

Personal na ipamamahagi ng mga opisyal ng SPEEd at ng FDCP, sa pangunguna ni Chairperson Liza Diño, ang certificates of nomination.

Samantala, ang 3rd EDDYS naman ay gaganapin sa July 14 sa New Frontier Theater (dating KIA Theater). 

Ang Cignal TV ang isa sa major sponsors/presenters ng 3rd EDDYS habang ang Echo Jham Entertainment ang hahawak sa production, sa pangunguna ng direktor na si Calvin Neria. 

Mapapanood ang kabuuan ng awards night sa Colours Channel ng Cignal TV sa July 21.

Nominado bilang pinakamagaling na pelikulang Filipino ang Citizen Jake, Goyo, Liway, Rainbow’s Sunset, at Signal Rock.

Ang mga direktor namang sina Chito Roño (Signal Rock), Jerrold Tarog (Goyo), Joel Lamangan (Rainbow’s Sunset), Kip Oebanda (Liway), at Mike de Leon (Citizen Jake) ang mag-aagawan sa best director trophy.

Para sa best actress category, magla­laban-laban sina Angelica Panganiban (Exes Baggage), Glaiza de Castro (Liway), Gloria Romero (Rainbow’s Sunset), Judy Ann Santos (Ang Dalawang Mrs. Reyes), Kathryn Bernardo (The Hows of Us), Nadine Lustre (Never Not Love You) at Sarah Geronimo (Miss Granny).

Magpapatalbugan naman sa pagka-best actor sina Piolo Pascual (Ang Panahon ng Halimaw), Carlo Aquino (Exes Baggage), Christian Bables (Signal Rock), Daniel Padilla (The Hows of Us), Dingdong Dantes (Sid & Aya), Paolo Contis (Through Night & Day) at Eddie Garcia (Rainbow’s Sunset).

Bukod sa major acting at technical awards, anim na special awards din ang ipamimigay ng EDDYS: Ang Joe Quirino Award, na igagawad sa TV-radio host-columnist na si Cristy Fermin; Manny Pichel Award para sa entertainment columnist/talent manager na si Ethel Ramos; Rising Producers’ Circle Award na ipagkakaloob sa Spring Films at T-Rex Entertainment; Producer of the Year para sa Star Cinema; Lifetime Achievement Award sa premyadong direktor na si Elwood Perez; at ang posthumous recognition para sa Comedy King na si Dolphy.

Bibigyang-parangal din sa ikatlong taon ng EDDYS ang 10 movie icons na sina Amalia Fuentes, Vilma Santos, Tirso Cruz III, Christopher de Leon, Joseph Estrada, Eddie Gutierrez, Dante Rivero, Celia Rodriguez, Anita Linda at Lorna Tolentino.

Bilang bahagi naman ng selebras­yon ng sentenaryo ng pelikulang Pilipino, kikilalanin din ng SPEEd at ng FDCP ang ilang “unsung heroes” sa likod ng kamera sa EDDYS “Parangal sa Sandaan,” na ia-anchor ng TV host-journalist na si Lourd de Veyra. 

Honorees dito ang mga manggagawa na patuloy na nag-aalay ng ‘di matatawarang oras, lakas at talento upang pagandahin ang isang proyekto.

Ang SPEEd ay samahan ng mga entertainment editor ng major broadsheets and tabloids sa bansa, sa pangunguna ni Ian F. Farinas bilang presidente. Si Isah Red ang chairman emeritus ng organisasyon.

Show comments