Napahanga si Zaijian Jaranilla sa kakaibang pagganap nina Paolo Ballesteros at Christian Bables bilang mga beauty queen sa pelikulang Die Beautiful. Kung mabibigyan ng pagkakataon ay gusto rin umano ni Zaijian na makagawa ng isang proyekto na may kaparehong tema.
“Do’n ko sila unang napanood. Sabi ko, ‘Ang galing nilang (gumanap bilang) bakla.’ Parang unang tingin mo pa lang, bakla talaga. Gusto ko ‘yung idea na iba ‘yung tingin sa ‘yo ng tao kapag nasa harap ka ng kamera,” nakangiting bungad ni Zaijian.
Wala raw problema sa dating child star kung kuwestiyonin man ng mga manonood ang kanyang kasarian kung sakaling gumanap bilang isang bakla. “Kung alam mo naman sa sarili mo na hindi ka naman gano’n, na straight ka. Tapos nakita ng ibang tao na tumatak ‘yung pagganap mo, successful ‘yung pagganap mo bilang bakla,” giit niya.
Matatandaang nakaganap na rin si Zaijian bilang bakla sa isang episode ng Maalaala Mo Kaya noong nakaraang taon. Bukas ay muling mapapanood ang aktor sa nasabing drama anthology bilang mayroong cerebral palsy. Espesyal ang episode dahil sa pagdiriwang ng MMK ng kanilang ika-dalawampu’t walong taong anibersaryo. “Dito po sa MMK, iba ‘yung case niya. May sakit po siya, may kinuha silang consultant na tinuturo niya sa akin ‘yung pwesto ng kamay, ng paa, ‘yung leeg. Kasi buong katawan po ‘yung naaapektuhan sa kanya. Kaya buong katawan ang pagaganahin,” pagbabahagi ng aktor. Makakasama ni Zaijian sa episode sina Enchong Dee, Allan Paule at Amy Austria.
Sue, mahiwaga ang tingin sa korean actor na si Shinwoo
Masayang-masaya si Sue Ramirez dahil nagkaroon ng pagkakataon ang aktres na makatambal sa pelikulang Sunshine Family ang Korean actor na si Shinwoo. Miyembro ang binata ng grupong Blanc7. “He’s very mysterious. The first time I saw him was in the script reading and he wasn’t talking very much. He was just sitting there and we are just throwing our lines but when he got on the set it was very comfortable already,” kuwento ni Sue.
Aminado ang dalaga na nahirapan siya sa shooting ng nasabing pelikula dahil sa pagkakaroon ng language barrier nila ni Shinwoo pero sinuportahan din siya ng aktor. “He was very hopeful especially to me when we needed the help in Korean lines, he was there for me,” dagdag ng aktres.
Nagsimula nang ipalabas sa mga sinehan noong Miyerkules ang pelikulang pinagbibidahan ng dalawa kasama si Marco Masa at ang mag-asawang sina Nonie at Shamaine Buencamino. (Reports from JCC)