Nora at Vilma hindi nakasipot sa Star Awards!

Eddie Garcia at Gloria Romero

Kakatuwa na alas-dose na ng gabi at nagparamdam na ng pagkagutom si Gloria Romero pero, hindi ito natinag sa kanyang pagkakaupo sa lugar ng mga nominado sa ika-35th Star Awards for Movies na kung saan ay isa siya sa mga nominado bilang best actress para sa kanyang pelikulang Rainbow’s Sunset na patuloy na humahakot ng award hindi lamang dito kundi maging sa labas ng bansa at isa sa pinakamalaking produksyon na ginawa ng Heaven’s Best Entertainment.

Hindi man nanalo ang mga artista ng Rainbow’s Sunset na sina Eddie Garcia at Gloria, matiyaga nilang hinintay sa kanilang upuan ang pagtatapos ng anunsyo ng pangalan ng mga nanalo bilang patunay ng kanilang professionalism. Bukod sa kanyang gutom, walang naging problema si Gloria na tapusin ang programa bago siya umalis. Si Eddie naman ay masayang sinamahan ng kanyang magandang date sa paghihintay ng kanyang kapalaran. Natalo man sila ni Gloria, nanalo naman sina Joel Lamangan bilang best director at Harlene bilang producer ng Movie of the Year. Tinanggap nila, lalo na ni Gloria, ang pagkatalo bilang best actress kay Kathryn Bernardo.

Kasabay niyang nabigong maging best actress sina Iza Calzado, Anne Curtis, Glaiza de Castro, Alessandra de Rossi, Nadine Lustre, Gina Pareno at Judy Ann Santos. Naka-tie naman ni Kathryn bilang Best Actress si Sarah Geronimo. Ang pelikulang The Hows Of Us ang maitutu­ring na best performance ni Kathryn. Walang tututol kung naipanalo niya ng nag-iisa ang nasabing kate­gorya. Pinaka-maganda rin ang speech niya after matanggap ang kanyang tropeo.

Ipinagdiwang din sa 35th Star Awards for Movies ang ika-100 Siglo ng Philippine Cine­ma. Nakakalungkot lamang na marami sa mga napi­ling Bituin ng Siglo ay hindi nakara­ting tulad nina Nora Aunor, Cong. Vilma Santos, Anita Linda, Joseph Estrada, Susan Roces, pero, andun sina Niño Muhlach, Philip Salvador, Christopher de Leon, Gloria Romero, Eddie Garcia at maski na si Ramon Revilla.

Maagang umalis ang Noranians at Vilmanians na naghintay sa kanilang mga idol at nagpaingay sa Resorts World Manila Newport Performing Arts Theater na pinahirapan ang maraming nanood ng awards night dahil agad isinara ang pinto ng car park na kung saan ay nakaparada ang sasakyan ng mga nanood ng awards night.

Maganda pa rin si Shiela Ysrael na matagal nang hindi nasisilayan ng publiko. Kasama siya ng anak na si Danzel Fernandez na nanalo bilang New Male Actor of the Year ka-tie ni Ryle Santiago. Counterpart nila si Sanya Lopez na nanalong New Female Actress.

Isa si Gelli de Belen sa nag-host ng awards night. Nakasama niya sina Arci Muñoz, Aljur Abrenica, Robi Domingo at Kathryn Bernardo. 

Masaya rin na muling makita si Maribeth Bichara na kasama sa production team ng Airtime Marketing na nagtaguyod ng Star Awards for Movies. Makasama pa sana siya sa mga Star Awards for Music and TV. Siya ang tumanggap ng parangal para kay Cong. Vilma Santos bilang Bituin ng Siglo. Siya ang tumayong choreographer ng matagumpay na TV musical (VIP) ng Star for All Seasons hanggang sa mag-baboo ito sa ere.

Show comments