MANILA, Philippines — Matutupad na ang pangarap ng isang mapagmahal at determinadong nanay na bigyan ng magandang kinabukasan ang kanyang anak matapos tugunan ng Mission Possible ang kanyang kahilingan sa Facebook.
Simula noong bata pa siya, madalas nang maapi ang single mother na si Michelle Ambrosio dahil sa kondisyon na “dwarfism” na siyang dahilan ng kanyang hindi pagtangkad. Dahil hirap siyang makakilos at limitado ang pisikal na kakayahan, hindi rin siya makakuha ng regular na trabaho, ngunit nagpursige siya para maalagaan ang kanyang anak at ang nanay niyang may edad na.
“Noong dumating si Alexa, nagbago ang direksyon ng buhay ko,” sabi ni Michelle. “May pangarap ako para sa kanya na makatapos siya ng pag-aaral kaya nagpupursige akong maghanapbuhay.”
Ngunit nang lumalala ang kundisyon niya, mas nahirapan na siyang makahanap ng trabaho. Kaya naisipan niyang magbakasakali at humingi ng tulong sa Mission Possible sa Facebook page nito.
Sa episode ng programa noong May 11, ipinakita ang pagbisita ni Julius Babao sa mag-ina. Matapos pakinggan ang kwento nila, sinamahan ng Mission Possible team si Michelle sa check-up na noo’y hindi niya kayang bayaran. Binigyan din siya ng mga bagong pagkakakitaan kabilang ang isang food cart. Sigurado na ring makakapagtapos ng kolehiyo si Alexa na ginawaran ng scholarship.
Ayon kay Michelle, malaking tulong ang hinatid ng ABS-CBN sa pamamagitan ng programa dahil alam niyang magiging maayos ang anak niya sakali mang may mangyari sa kanya.
“Maraming salamat sa tiwala ninyo sa akin na kahit ganito ako, naniniwala kayo na kaya ko,” aniya. “Dahil sa tulong niyo, nagkaroon ako ng bagong pag-asa na akala kong wala na.”
Ang Mission Possible ay isa sa mga programa ng ABS-CBN na direktang tumutulong sa mga Pilipinong nangangailangan. Higit sa tulong na inaabot sa mga Kapamilya, ipinagdiriwang din nito ang mga tagumpay ng Pilipino sa kabila ng matitinding pagsusubok.
Panoorin ito tuwing Sabado ng 6 am, at tuwing Lunes ng 9:30 pm sa DZMM TeleRadyo at pagkatapos ng Bandila sa ABS-CBN.Manoodo online sa iwant.ph o sa skyondemand.com.ph.