Dianne at Rodjun defensive sa President’s Meeting sa Japan

Dianne

May kumalat na ng program mula sa Japan na kung saan meron palang show doon ang mga Filipino entertainers na nakasabay sa State visit ni Pres. Rodrigo Duterte.

Iyung program na nakita namin ay ang mga mag-entertain sa President’s Meeting with the Filipino Community sa Tokyo nung nakaraang May 30.

Pero pinagdiinan ni Dianne Medina na nakasabay lang daw sila roon sa presidente kahit obvious namang kagrupo nila ang nandoon na nangangampanya sa mga kandidato ng PDP Laban.

Nandun din sina Bayani Agbayani, Arnell Ignacio at ang nasa program na performers ay sina Dianne, Rodjun Cruz, Billy James, Michael Pangilinan, Martin Escudero, Moymoy Palaboy, at pati sina Sen. Bong Go, Phillip Salvador at Robin Padilla may song number din.

Kinu-contact namin doon sa Japan sina Bayani at Arnell, pero hindi sila sumasagot.

Ang dating kasi sa post ni Dianne na parang napaka-defensive na kaagad nilang sinasabing sila ang sumagot sa pagpunta nila ng Japan.

Sa totoo lang, wala naman yatang masama kung sasagutin ng Pangulo ang pagpunta nila roon dahil magpapasaya naman sila sa mga kababayan natin sa Japan.

Dati namang ginagawa yan na meron ngang Hatid-Saya na program para sa mga OFW natin.

Jimmy, para sa malisyoso ang birthday wish

Sa Baguio nag-birthday ang kontrobersyal na PAGCOR executive na si Jimmy Bondoc nung kamakalawa lang, kaya nag-leave muna siya.

Pero patuloy pa rin ang pagpu-post niya ng mga opinyon niya sa isyung binuhay sa isang TV network.

So far, parang wala nang Kapamilya artists na pumapatol. Baka humupa na nga ang init ng isyung pinasabog ni Jimmy.

Kahit nga mga netizen ay hindi na rin gaanong nagri-react sa mga huling ipinu-post ng dating singer.

Tinext ko siya nung birthday niya para batiin at hingan sana ng birthday wish.

Tinanong ko kung personal ba ang wish niya o may kinalaman pa rin sa ipinaglalaban niyang isyu, na sana mawala na raw ang mga malisyoso at pekeng news.

Muli, nilinaw ni Jimmy na itong mga ipinu-post niya sa kanyang Facebook account ay walang kinalaman sa trabaho niya sa PAGCOR bilang VP for Corporate Social Responsibility.

Bong sasamahan ang ama sa pagtanggap ng award

Nakausap ko si Sen. Bong Revilla kahapon, nabanggit niyang sasamahan niya ang Daddy niya, ang da­ting Ramon Revilla Sr. para personal na tanggapin ang special recognition na ibibigay ng PMPC sa kanilang 35th Star Awards for Movies na gaganapin sa Newport Performing Arts Theater ng Resorts World Manila mamayang gabi.

Sana okay lang daw ang pakiramdam ng Daddy niya dahil gusto raw niyang tanggapin ang parangal na ito na ibibigay ng grupo ng PMPC na malapit sa kanilang pamilya.

Ang dating Sen. Ramon Revilla Sr. ang isa sa paparangalan bilang Natatanging Bituin ng Siglo kasama sina Mayor Joseph Estrada, Nora Aunor, Vilma Santos, Christopher de Leon, Tirso Cruz III, Niño Muhlach, Gloria Romero, Susan Roces, Phillip Salvador at Anita Linda.

Nag-confirm ang karamihang awardees, pero as of presstime hindi pa nagkumpirma si Mayor ­Erap Estrada dahil birthday pala ng dating Senador ding si Dra. Loi Ejercito.

Ngayon pa lang nga ay nakini-kinita na na­ming may magta-tie na naman sa ilang awards na ibabahagi nila.

Dapat everybody happy!

Show comments