Daniel at Kathryn umaapaw ang kaligayahan sa bakasyon sa Morocco

KathNiel

Nakabalik na ng bansa ang magkasinta­hang Daniel Padilla at Kathryn Bernardo mula isa isang linggong bakasyon sa Morocco.

Doon nila sinilebreyt ang kanilang 7th anniversary na ikinatuwa siyempre ng KathNiel fans.

Post ni Kathryn sa kanyang Instagram account kahapon, “Back in Manila but my Instagram’s still in Morocco! Flooding you with lots of photos today. You were warned.”

Halatang nag-enjoy sila nang husto run na kung saan nagliwaliw sila sa naturang bansa at mga kalapit na lugar.

Sabi ng nakausap na­ming malapit kay Kathryn, may kasamang mga kaibigan daw sila roon, pero silang dalawa lang talaga ang laging magkasama.

May ilang nagni-nega sa dalawa na kung saan tinatanong kung malalagpasan kaya nila ang 7-year itch na tinatawag, ngayong kasi-celebrate lang nila ng kanilang 7th anniversary.

Natapos na ni Kathryn ang shooting ng pelikulang Hello, Love, Goodbye nila ni Alden Richards at kung matutuloy nga ang playdate na end of July, may sapat silang panahon para sa promo nito.

Mukhang suportado naman ng KathNiel fans ang pelikula nila ni Alden dahil ngayon pa lang ay inaayos na nila nang mabuti ang mga ini-schedule nilang block screening.

Nakakatuwa nga dahil bukod sa KathNiel fans, hindi rin daw magpapabaya ang mga fans ni Alden na inaayos na rin ang i-sponsor nilang block screening.

Julia at Joshua hiwalay na talaga!

Hindi naman maganda ang balitang napapag-usapan sa loveteam nina Joshua Garcia at Julia Barretto.

Kalat na ang usap-usapang break na ang dalawa, kaya hindi na raw sila magsasama sa mga susunod nilang projects.

Sinubukan na nilang i-partner si Julia kay Gerald Anderson sa pelikulang Between Maybes pero hindi naman ito gaanong kinagat. Wala raw che­mistry ang dalawa, sabi ng mga nakapanood.

Meron na rin daw teleseryeng tatampukan ni Joshua na hindi si Julia ang ka-partner.

Meron lang silang natapos na isang horror movie na District Z yata ang title. Isa-submit naman daw ito ng Star Cinema sa Metro Manila Film Festival.

Wala pa namang may nagkumpirma mula sa dalawang kampo kaugnay sa tsismis na ito.

May hanash lang si Dennis Padilla kamakailan na gusto raw niya sanang kausapin si Joshua tungkol sa kanyang anak, pero hindi raw nagkaroon ng chance na mag-usap sila.

Abangan na lang kung ano talaga ang totoo tungkol sa dalawa.

MMFF 2019 malaking paghahanda ang magaganap

Ngayong araw na ang deadline ng submission of script ng mga nais sumali sa Metro Manila Film Festival.

Marami na raw ang nakapag-submit ayon sa taga-MMFF na nakatsikahan namin.

Nagulat lang daw sila na karamihan sa mga nag-submit ay horror ang genre.

Iyun naman ang kakaunti nung nakaraang taon kaya ang Otlum na nga ang napili.

Ang sabi ng aming source, may pagka-horror comedy raw ang isasali ni Coco Martin na baka makasama niya sina Jennylyn Mercado at AiAi delas Alas.

Itong kina Joshua at Julia nga ay horror din.

Ang isa pang isinabmit ay ang pelikulang Mindanao ni direk Brillante Mendoza na pinagbibidahan ni Judy Ann Santos kasama si Allen Dizon.

Ang unang narinig namin ay isasali niya ito sa Pista ng Pelikulang Pilipino, pero sa MMFF na pala.

Meron ding isasali si Vic Sotto, pero hindi pa alam kung anong material at kung sino ang kasama.

Inaasahang malaki at magagandang pelikula ang makakapasok dahil malaking selebrasyon daw ito bilang nasa 45th year na ang MMFF at isasabay na rin ang pagdiriwang ng Centennial of Philippine Cinema.

Ang lungsod ng Taguig ang host ng ngayong taong MMFF, na kung saan si direk Lino Cayetano na ang Mayor.

Pumayag na raw ang Cultural Center of the Phi­lippines na roon gaganapin ang awards night, kaya malaking paghahanda ito.

Sa July 5 na ia-announce ang apat na script na makakapasok sa magic 8 ng MMFF. Sa September naman ang submission ng Finished films, at sa October ia-announce ang apat na pelikulang mapipili, para makumpleto na ang walong pelikulang kalahok sa MMFF 2019.

Samantala, sa June 15 naman ang deadline ng submission ng pelikulang sasali sa Pista ng Pelikulang Pilipino.

Sabi ng FDCP Chairperson Liza Diño, tatanggapin nila ang rough cut o picture lock basta buo lang ang kuwento.

Bibigyan naman daw nila ng sapat na panahon ang mga direktor na mapaganda lalo ang kanilang pelikula.

Sa September 12 magsisimula ang PPP kasabay ng launching ng pagbubukas ng celebration ng Centennial of Philippine Cinema.

Marami silang mga activities at paparangalan kaugnay sa pagdiriwang na ito.

Sa June 15 nga ay bibigyan ng FDCP ng para­ngal si Anita Linda na itinuring na ina ng Pelikulang Pilipino. Kaya Dunong ng Ina ang tawag nila sa parangal na ito para sa beteranang aktres. 

Show comments