Gardo sinorpresa ng kasal ang ka-live-in!

Gardo Versoza, Ivy Vicencio

Pero mas nasorpresa sa ginawa ni Ate Guy

Kahapon lang namin nakausap ang bagong kasal na sina Gardo Versoza at Ivy Vicencio na nakarelasyon na niya ng 13 years.

Matagal na silang nagli-live in na kung saan nabiyayaan sila ng isang anak na lalaki.

Nung February lang pala nag-propose si Gardo kay Ivy pero hindi pa nila naplano ang wedding.

Nagulat na lang si Ivy na sa event ng kanilang bike group na ginanap sa El Kabayo sa Clark, Pampanga nung nakaraang May 18, may inihanda palang wedding ceremony doon si Gardo.

Sobrang na-surprise si Ivy dahil wala raw siyang ideya sa program na doon pala isiningit ang wedding ceremony ng Aglipayan church.

“Ayaw kasi pumayag ng Catholic church ng ganung wedding sa labas, kaya sa Aglipayan church na kami nagpakasal,” pakli ni Gardo.

“Pero gusto pa ring magkaroon kami ng church wedding, hopefully next year,” sabi pa niya.

“Inis na inis siya (Ivy) kasi dahil wala talaga siyang alam na magpakasal kami, hindi man lang daw siya nakaayos. Kaya ganun ang suot namin kasi isinabay ko lang sa event, ng Bike group namin,” dagdag  niyang pahayag.

“After ng proposal, gusto ko talagang ma-surprise siya sa wedding, kaya ako na rin ang wedding planner.

“Ngayon ko na naisip ang wedding kasi 50 na ako eh. Gusto ko na rin na settled na talaga kami, yung legal na talaga ang pagsasama namin,” dagdag niyang pahayag.

Hindi na nag-imbita si Gardo ng mga kaibigan niyang celebrities at baka mahalata pa raw ni Ivy.

Ang una niyang inimbita ay si Jo Berry na naging close friend na niya sa Onanay. Pero nagkataon namang hindi raw puwede si Jo sa araw na iyun.

“Isa pa sana sa guest na inimbita ko para na rin surprise sa bike group namin, si Ate Guy, kaya lang ako ang na-surprise,” napapangiti na lang na pahayag ni Gardo.

Kilala naman niya si Nora Aunor na biglang hindi na lang dumating, kahit matagal na nila itong napagkasunduan.

Pero okay lang daw iyon dahil hindi na rin siya nagulat pa sa di pagsipot ni Ate Guy.

Jimmy hindi pa tapos!

Magkakasunod ang posts ni Jimmy Bondoc nung nakaraang Linggo kaugnay sa isyu pa rin niya sa ABS-CBN 2.

Ngayon naman ay gustong iparating sa lahat ang pagsisimula raw nang pagsira sa kanya ng network na ito.

Unang post niya sa umaga; “THE ART OF RUINING A MAN (network style)

Panuorin niyo lang kung paano MANIRA ng buhay ang isang network. Buksan niyo mata niyo ha. Tingnan nyo ang METHOD. Di bale nang durugin nila ako. Basta, WATCH! Pagmasdan niyo. METHODICAL. Mga parinig sa TV. Mga pagbaluktot ng issue. Mga pagGAMIT sa artista. YUNG HINDI KINUKUHA ANG SIDE KO.”

Kinahapunan ay muli siyang nag-post ng; “ARE YOU WATCHING? Panuorin nyo ha? Step by step. Watch how a network METHODICALLY ruins a man. Look. Pati ang mga ginagamit nilang tao, HINDI ALAM na sila nagagamit.

JUST WATCH, ok? Watch, learn. Be aware. Di bale na ako. I’m done anyway. I don’t care. WATCH. TAKE NOTES.”

Kinagabihan ay nag-post siya ng; “Next: WATCH how they will DIVIDE AND CONQUER us. Just WATCH!

“Panuorin nyo kung paano WASAKIN ng network and buhay ko.

JUST WATCH: Learn! Ok lang Ako mawasak! But please, LEARN!!”

May ilang Kapamilya artists na ang sumasagot sa kanya, at kasabay nito ay mga post ng celebrities ng pasasalamat sa Kapamilya network ng nagawa sa kanilang buhay at career. Bahagi pa rin ito sa 65th anniversary celebration ng Kapamilya network. Ang pagkakaa­lam ko next month ang anniversary ng naturang network kaya ngayon pa lang ay panay na ang paglabas ng kanilang MTV para sa naturang selebrasyon.

Si Jimmy ang in charge sa entertainment ng PAGCOR at kumukuha sila ng mga talents sa Kapamilya network na ang alam kong nag-aayos ay isang talent management company na identified sa naturang network.

Curious lang ako kung makikipag-deal pa kaya sila kay Jimmy?

Show comments