Kantang 'Amatz' ni Shanti Dope gustong ipa-ban ng PDEA

Aniya, kontra raw ito sa krusada ng gobyerno para sawatahin ang pagkalat at paggamit ng iligal na droga.
Video grab from UniversalRecPH's Youtube channel

MANILA, Philippines — Ipinatitigil ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pagpapatugtog ng kantang "Amatz" ng rapper na si Shanti Dope na nagtataguyod daw ng paggamit ng iligal na droga.

Ito ang hiniling ni PDEA Director General Aaron Aquino sa Movie and Television Review and Classification Board, Organisasyon ng Pilipino mang-aawit at ABS-CBN sa isang liham noong ika-20 ng Mayo.

Nagbigay diin sila sa sinasabi ng koro ng awit na, "Lakas ng amats ko... sobrang natural, walang halong kemikal," na tumutukoy daw sa marijuana.

"It appears that the singer was referring to the high effect of marijuana, being in its natural/organic state and not altered by any chemical compound," ani Aquino.

(Lumalabas na tinutukoy niya 'yung tama na nakukuha sa marijuana, lalo na't natural/organic ito at hindi binabago ng anumang kemikal.)

Inilabas ni Aquino ang pahayag habang nagpapatuloy ang madugong "gera kontra droga" ni Pangulong Rodrigo Duterte, na kumitil na ng 27,000 buhay, ayon sa tala ng United Nations.

Iginiit naman ni Aquino na nirerespeto niya ang karapatan ng mga alagad ng sining, ngunit dapat daw tutulan ang pagpro-promote ng mga awiting "naghihikayat gumamit ng marijuana at shabu."

"It is contrary to our fight against illegal drugs," sabi niya.

(Taliwas ito sa ating laban kontra iligal na droga.)

Sinusubukan pa ring abutin ng Philstar.com ang panig ni Shanti Dope, na Sean Patrick Ramos sa totoong buhay.

'War on drugs'

Unang naging tanyag para sa kantang "Nadarang," kilala rin si Shanti Dope sa ilang piyesa na nagsasalita patungkol sa epekto ng gera kontra droga sa bansa.

Sa kanyang 2017 EP na "Materyal," kasama ang isang kanta na "Norem," na tumutukoy sa mga napipilitang sumuong sa peligro para magbebenta ng droga dahil sa kahirapan.

Kasama naman sa kanyang 2017 self-titled album ang kantang "T.H.", na tumutukoy sa Oplan Tokhang at extrajudicial killings na nangyayari raw sa ilalim ng administrasyon.

Pagbabawal ng kanta

Bagama't marami nang awiting lokal na direktang tumutukoy sa paggamit ng marijuana tulad ng "Mottaka" ng bandang Queso at "Song for the Suspect" ng bandang Franco, ngayon lang muli napag-uusapan ang pagbabawal sa isang kanta dahil sa tema ng droga.

Taong 1995 nang nanawagan si Sen. Vicente "Tito" Sotto III na itigil ng mga istasyon ng radyo ang pagpapatugtog ng "Alapaap" ng Eraserheads, na sinasabi niyang may kinalaman din sa droga.

Show comments