Gerald, nahiya nang nakita si Iron Man

Mula nang magkabalikan sina Bea Alonzo at Gerald Anderson ay malaki na raw ang ipinagbago sa pagkatao ng aktor. Para sa binata ay nag-mature na siya bilang isang kasintahan sa loob ng ilang taon. “Siya ‘yung tipo ng babae na alam niya kung ano ang gusto niya, kung ano ang deserve niya. Since two, three years, I’ve become a better man pagda­ting sa pagiging isang partner,” makahulugang pahayag ni Gerald.

Samantala, hinding-hindi raw makalilimutan ng aktor nang makita kamakailan sa Korea ang iniidolong si Ro­bert Downey, Jr. Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na nakapunta sa Korea si Gerald.

“Since 2008 naging fan na ako ng Iron Man but more of the super hero. Sobrang surreal, lumabas siya, sumasayaw pa siya sa stage. It’s so amazing seeing someone na sobrang laki sa screen and when you see him right in front of you, parang ‘yon ang motivation mo sa lahat ng projects mo. Nandiyan (sa stage) siya, as a fan boy mahiyain ako. Sa presscon kasi ako na-invite and everybody was… ang daming paparazzi gano’n. Nahihiya akong pumunta sa stage at mag-selfie, sayang,” natatawang kwento ng binata.

“Mas matangkad pa yata ako, sorry RDJ. Nagsusuot siya ng makapal na shoes kasi maliit nga lang siya eh. Makulit lang talaga, kung paano siya sa Iron Man, parang siya lang talaga ‘yon no’ng lumabas siya,” paglalarawan pa ni Gerald sa idolo.

LT, mahaba ang pasensya sa trabaho

Ilang buwan nang napapanood si Lorna Tolentino sa teleseryeng FPJ’s Ang Probinsyano na pinagbibidahan ni Coco Martin. Gumaganap ang aktres bilang si Lily sa nasabing serye. Napahanga umano si Lorna kay Coco dahil sa pagiging magaling na artista at direktor nito.

“Ang kagandahan kasi, like noong nagmamadali dahil maraming nawala for elections, so parang si Lily na ang magbibigay ng clue kung nasaan sila, doon umikot ‘yung role ko. Sa trabaho kung wala kang pasensya, mabilis uminit ang ulo mo, mali ang diskarte,” bungad ni Lorna.

Ilang dekada na sa industriya ang beteranang aktres kaya malaki ang pasasalamat dahil aktibo pa rin siya sa pag-arte hanggang ngayon. Ayon kay LT hindi lamang galing sa pag-arte ang sikreto upang magtagal sa show business kundi pati na rin ang makisama sa mga katrabaho. “Nagpapasalamat pa din ako na nandito pa din ako sa industriya kahit na ilang taon na ako dito. Meron din ‘yung parang puntos sa magiging matagal sa industriya. Kaya siguro nakikita din nila na hindi ko naman pinababayaan ‘yung trabaho ko. Nakikisama naman ako na kahit na minsan umu-over time kasi minsan kailangan. Makikita mo naman, parang bigayan. Nagkakaroon ng bigayan parang nagiging masaya,” pagbabahagi ng aktres. (Reports from JCC)

Show comments