Hahayaan na sila: Ai Ai nag-resign bilang manager ng Ex Battalion

"'Yon, minsan walang respeto. Hindi nila ako sinusunod. Actually, matagal na ako dapat magre-resign."
File

MANILA, Philippines — Nagbitiw na ang aktres na si Ai Ai delas Alas sa pagma-manage ng hip-hop group na Ex Battallion dahil sa kanilang diumano'y "unprofessionalism" at di kaaya-ayang pagtrato sa mga tao.

Aniya, nawawalan na ng respeto ang mga miyembro ng grupo sa kanya kung kaya'y sinukuan na niya ito.

"Pasaway," 'yan ang kanyang pagsasalarawan sa kanila sa kanyang emosyonal na pagbabahagi sa press. 

"'Yon, minsan walang respeto. Hindi nila ako sinusunod. Actually, matagal na ako dapat magre-resign."

Naunang lumagda ng dalawang taong kontrata si Delas Alas sa grupo ngunit sinabi niyang hindi na niya ito tatapusin.

Sabi niya, okey naman daw ang ugali ng ilan nilang miyembro ngunit maraming beses daw na hindi sumisipot ang nabanggit na grupo dahil sa iba't ibang kadahilanan at alitan kahit na matagal na silang nakapangako.

Dahil dito, hindi na naitago ng aktres na paminsan-minsa'y sumasabog na siya.

"[M]erong time na umiyak ako, pati 'yung producer, pati 'yung RM (road manager) kasi pupunta sila sa Ilocos noon, Ilocos ba o Abra, na 'yung isa ayaw pumunta, ayaw kumanta kasi bibili raw siya ng ginto, magpapakulay siya ng buhok. 'Yung dalawa naman, hindi nagising at naiwan ng flight," sabi ni Delas Alas.

"So ang natira na lang is tatlo. Ngayon 'yung producer, umiyak, at umiyak na rin ako pati 'yung RM. Kasi hiyang-hiya ako, anong sasabihin ko?"

Matagal na raw niyang planong gawin ito, ngunit sinabing minabuti muna niyang tapusin ang kanilang pelikula

Pinakahuling beses na raw a nangyari ito ay noong hindi tumuloy ang Ex Battalion sa miting de avance ni PDP-Laban senatoriable at dating special assistant to the president na si Bong Go.

"Ayaw na nilang kumanta kasi nagalit 'yung isa, nagwala sa chat dahil si Daryl [Ruiz, a.k.a Skusta Clee] eh wala, ayaw mag-perform. Ewan ko kung nasaan siya. Eh si Mark [Maglasang, a.k.a Bossx1ne], alam naman natin na bigla na lang din nawala, biglang nag-quit ng grupo. So, anong gagawin ko?  Eh siyempre, naiyak na lang ako," sabi ng comedy queen.

"Ang akin 'yung professionalism and 'yung how they treat people. How they treat me. Kung papaano nila ako tratuhin, 'yun 'yung sa akin."

Nakilala ang Ex Battalion para sa mga hit songs nila gaya ng "Hayaan Mo Sila," "Need You," "South Boys," atbp.

Hindi pa naman tumutugon ang Ex B sa panayam ng PSN patungkol sa isyu.

Show comments