'Ang Probinsyano' nasa Netflix na... pero iba ang pamagat

Sinusundan nito ang buhay ni SPO2 Ricardo "Cardo" Dalisay, isang dating pulis na naging rebelde upang sugpuin ang katiwalian sa pamahalaan.
Screengrab from Netflix

MANILA, Philippines — Nagunlantang ang marami nang biglang makita ang hit Kapamilya show na "Ang Probinsyano" sa international streaming service na Netflix ngayong umaga.

Pinangungunahan ng aktor na si Coco Martin, ibinase ito 1997 action film ni "Hari ng Aksyon" Fernando Poe Jr.

Sinusundan nito ang buhay ni SPO2 Ricardo "Cardo" Dalisay, isang dating pulis na naging rebelde upang sugpuin ang katiwalian sa pamahalaan.

Ang Facebook page ng palabas, hinikayat na rin ang publikong muling tunghayan ang kanyang pakikipagsapalaran.

"#AngProbinsyano #Brothers nasa Netflix na! Binge Watch na Kapamilya  :)," sabi nito.

Pero ang ipinagtataka ng marami, tila iba ang salin ng title sa Ingles — "Brothers."

Kung itra-translate kasi ang kataga, nangangahulugan ito ng "magkapatid," malayo sa salitang probinsyano. 

Kapansin-pansin din na magsisimula ang palabas sa ikalawang episode nito kaysa sa una.

Hindi naman naiwasang magbiro ng ilan sa tila "hindi matapos-tapos" na serye.

Setyembre taong 2015 pa kasi nang una itong mamayagpag sa prime time, kulang-kulang apat na taon, na mahaba na kumpara sa ibang lokal na series.

Tanong tuloy ng ilan kung may plano ang Netflix na mailagay ang lahat ng kabanata nito online.

Kasalukuyang pa ring tumatakbo ang palabas, Lunes hanggang Biyernes, at nasa "Book 4: Season 7" na.

Ito na ang "longest running action drama series" sa kasaysayan ng Pilipinas, ayon sa Dreamscape Entertainment Television.

Show comments