Ibang nasa dinner ng Malacañang, mga Anti-Duterte?!
May ilang celebrities na nakausap namin kahapon tungkol sa private dinner na inihanda ni Pres. Rodrigo Duterte kasama ang common-law wife niyang si Honeylet Avanceña na ginanap sa Malacañang kamakalawa nang gabi.
Star-studded ang naturang pa-dinner, pero hindi ko na babangitin kung sinu-sino sila dahil ang iba naman daw dun ay parang wala naman daw naitulong sa pangulo.
Gusto lang daw magpasalamat ni Pres. Digong sa lahat na mga celebrities na sumusuporta sa kanila, lalo na ‘yung mga tumulong mula pa nung kampanya sa 2016 presidential elections.
Nagtaka lang ang ilang nakausap namin na loyal kay Pres. Digong dahil ang iba naman daw dun ay panay naman ang tira sa pangulo pero nandun nung gabing iyun.
Medyo emotional pa nga raw si Honeylet na nagpasalamat dahil kahit walang kapalit na bayad, buong-buo pa rin ang suporta nila.
Pero ang isa raw sa nakaw-eksena sa private dinner na yun ay si John Lloyd Cruz na ganun pa rin daw ang ayos, na hindi nag-ahit at hindi raw tinatanggal ang dark shades na suot nito.
Kahit nga kaharap daw nito si presidente ay naka-salamin pa rin siya.
Kapansin-pansin daw ang kakaibang kilos na parang ang weird. Pati raw magsalita ay ibang-iba na sa dating John Lloyd. Kaya tingin nga raw nila ay malabo pa itong bumalik sa pag-aartista.
Ang isa pang ikinaloka nila nung kaharap nila ang dating aktor, nakita raw nilang lubid ang ginamit nitong cord sa suot niyang salamin.
Ang iba kasi parang may chain na maganda-ganda naman kasi halatang mamahalin naman ang shades. Kaya hindi raw bagay yung lubid ang nakatali dun sa may tangkay ng salamin.
Minsan daw ay tinanggal nito ang salamin, ang itim daw ng nasa paligid ng mata. Kaya ang layo raw talaga sa dating kaguwapuhan ni Lloydie.
Hero at Harlene solid kay Joy!
Ipinagpatuloy ng QC Councilor Hero Bautista ang tradisyon ng kuya niyang si Mayor Herbert Bautista na maki-celebrate sa kaarawan ng mga movie press.
Kahapon sa Annabel’s Restaurant ay nag-host si Councilor Hero Bautista sa movie press na nagdiwang ng kanilang kaarawan nung January hanggang June.
Kasama ni Hero ang bunsong kapatid na si Harlene na all-out naman ang suporta sa mga kuya niya.
Sabi ni Hero, ganun naman daw talaga silang magkakapatid, suportahan sa isa’t isa.
Kahit wala roon si Mayor Herbert, suportado naman silang magkakapatid.
Doon na rin namin natanong si Harlene kung ano ang plano ni Mayor Herbert pagkatapos ng eleksyon.
“Focus daw muna siya sa mga anak niya. Kasi malalaki na ang mga bata, kaya catching up siya sa ngayon.
“Although, hindi naman ibig sabihin na nagpabaya siya noon. He was never like that.
“Ngayon ay gusto lang niyang to spend more time since he started in public service since he was 15 years old. So, 35 to 36 years…kaya okay lang naman siguro na magpahinga siya, take a break. Kasi hindi na rin siya bumabata. So, hangga’t may mga bagay o activities na puwede siyang magawa with the kids, I think this is the right time,” pahayag ni Harlene.
Gusto rin daw magpaka-active ni Mayor Herbert sa kanilang Heaven’s Best Entertainment at posibleng lumabas sa isa sa mga pelikula nila.
Sa katunayan may nag-aalok na raw kay Mayor Herbert na mag-pelikula pero hindi lang daw siya makapagsimula pa sa ngayon dahil tumutulong siya sa pangangampanya ni Hero na tumatakbong konsehal ng district 4 ng Quezon City.
Nilinaw na rin doon ng magkapatid na Hero at Harlene na buo ang suporta ni Mayor Herbert sa team nila ni Vice Mayor Joy Belmonte.
- Latest