Hindi naman itinatanggi ni Harlene Bautista ang bago niyang karelasyon na ayaw naman niyang sabihin sa akin, pero ang nakarating sa amin si Neil Eugenio raw ito na dati niyang kasamahan sa That’s Entertainment.
Kasama niya ito sa nakaraang awards night ng Sinag Maynila.
Tipid ang mga sagot niya kapag tungkol sa bagong karelasyon pero hindi naman daw niya ito itinatago na.
“Okay naman. I’m happy,” nakangiting sagot sa amin ni Harlene nang nakausap namin kahapon sa Appreciation Lunch na ibinigay ng Metro Manila Development Authority sa tanggapan ni Chairman Danny Lim.
Aminado rin siyang hindi pa raw ganun ka-okay sa mga anak nila ni Romnick Sarmenta na naintindihan naman daw niya dahil bago lang sila.
“Siyempre, hindi pa ganun ka ano…hopefully makarating dun sa okay na okay na,” sagot niya sa amin.
Nirerespeto naman daw ito ng mga anak niya, at wala naman daw silang problema.
Kahit nga kay Romnick Sarmenta ay civil naman daw sila sa isa’t isa.
“Actually, kahapon magkasama kami. May program kasi sa school yung mga bata. So, dun kaming dalawa, okay naman.
“Then, after nun sa kanya natulog ang mga bata, hanggang ngayon nandun sa kanya ang mga bata,” kuwento ni Harlene.
Mas okay pa nga raw sila ngayon ng estranged husband dahil naging magkaibigan naman sila at nanatiling magulang ng kanilang mga anak.
“At least, we’re friends at hindi kami yung ibang naghiwalay na ayaw ipahiram ang mga bata…hindi kami ganun,” saad ng actress/producer.
Dagdag na kuwento sa amin ni Harlene, ongoing na raw ngayon ang annulment case nila na naisampa na niya sa korte.
Gusto na rin ni Harlene na mag-focus na rin sa kanilang Heaven’s Best Productions dahil may ginagawa silang pelikula ngayon na In The Name of the Mother. Pero gusto raw sana nilang makagawa ng pelikulang puwedeng isali sa darating na Metro Manila Film Festival.
Mala-Rainbow’s Sunset na umani ng parangal sa nakaraang MMFF at namamayagpag na ngayon sa ibang international film festivals.
Kahapon nga ay nag-host ang MMDA ng lunch para sa pelikulang Rainbow’s Sunset na humakot ng maraming awards sa 52nd Annual Worldfest sa Houston, Texas.
Doon na natanggap ni Eddie Garcia ang plake bilang Best Actor dahil hindi siya nakadalo. Ka-tie niya rito si Tony Mabesa na nakarating ng Texas at personal niyang natanggap ang award.
Binigyan din ng Special Jury Prize ang pelikula, at Golden Remi Award for Best Story innovation ang screenwriter nitong si Eric Ramos.
Malaki ang pasasalamat nilang lahat dahil buo ang suporta ng MMDA sa pagsali nila sa naturang international filmfest.
Ani direk Joel; “Marami na akong nasalihang international film festival, pero ngayon ko lang naranasang buo ang suporta ng gobyerno.
“Mahusay ang suporta ng MMDA. Nandoon sila mismo from beginning to end. Bukod sa sinuportahan ang lahat na kailangan namin. Tuwang-tuwa ako.
Doon na rin in-announce ng MMDA na sa May 31 ng alas-singko ng hapon ang deadline ng submission of script sa MMFF 2019.
Mika at Barbie hindi nagpapa-pressure sa rating
Nakakatuwa ang buong cast ng Kara Mia dahil hindi na sila nagpa-pressure sa rating. Ang mahalaga ay nabuo ang magandang friendship lalo na ang dalawang bida na sina Barbie Forteza at Mika dela Cruz.
Marami nga ang nakapansin sa magagandang eksena ng naturang drama series na kung saan lumutang ang galing ni Mika sa pag-arte.
Kapag moment kasi ni Mika, hindi nakipagsabayan si Barbie. Nagbibigayan silang dalawa.
Lalo nga raw lumalim ang friendship ng dalawa kaya wala silang patalbugan sa mga eksenang ginagawa nila.
Nagpasalamat na rin si Mika sa lahat ng mga sumusubaybay sa Kara Mia, kaya todo pa rin sila sa pag-iisip ng mga magagandang pasabog sa naturang drama series.