MANILA, Philippines — Matapos ang tagumpay ng kanyang debut single na Ngayon, inihahandog ng The Clash grand champion na si Golden Cañedo ang kanyang ikalawang single na Tayo Pa Rin sa ilalim ng GMA Music.
Lubos na nagpapasalamat ang young Kapuso singer sa panibagong pagkakataong maibahagi ang kanyang talento. Excited na rin siyang matutunan pa ang iba’t-ibang genre ng musika.
“Masaya ako dahil marami ang nag-aabang at katulad kong nae-excite sa mga kantang inaawit ko. Sana patuloy niyo po akong suportahan at ang mga kantang ito dahil may mga kakaiba at bagong musika kaming inihahanda para sa inyo,” aniya.
Sa kasalukuyan, napapanood si Golden bilang isa sa mga mainstay ng musical-variety show na Studio 7.
Mula sa panulat ni Rica del Rosario, napapakinggan na ang Tayo Pa Rin on-air sa Barangay LS 97.1 at iba pang Barangay FM stations nationwide. Maaari na rin itong mapakinggan sa Apple Music, Spotify at iba pang digital stores worldwide.
Mapapanood ang music video nito sa Youtube channel ng GMA Music.
Ito’y nasa ilalim ng direksyon ni Miggy Tanchanco.