Alang-alang sa koneksiyon Actor-politician binabaliktad ang mga pulitikong sinasamba noon!

Inipon ng isang grupo ang mga pahayag na binitiwan ng isang actor-politician sa entablado de kampanya. Sa maraming okasyon nangyari ‘yun, pero mas marami habang humihingi siya ng suporta sa kanyang mga nasasakupan, naitago ‘yun ng isang grupo.

Magaling magsalita ang actor-politician, namaster na niya ang pagsasalansan ng mga salita, malakas din ang kanyang loob na naging mala­king puhunan niya nang pumasok siya sa showbiz.

Ang mga salitang ‘yun ngayon ang malalaking batong ipinupukol laban sa aktor-pulitiko, kaliwa’t kanan ang pambabatikos sa kanya, mismong siya ang pinag-ugatan ng mga balang tumatama sa kanya ngayon.

Kuwento ng isang miron sa grupo, “Kailangan niyang bumili ng malaking salamin para ang kunsensiya niya mismo ang mambatok sa kanya! ‘Yung mga binibitiwan niyang salita ngayon, kabaligtaran na ng mga sinabi niya nu’n!

“Sabi ng pulitikong ‘yun, ang pinakawalang kuwentang tao raw sa mundo, e, ‘yung hindi marunong tumanaw ng utang na loob! Napakadiin ng pagkakasabi niya nu’n, ramdam na ramdam, pero ano siya ngayon?

“Lahat ng taong nakasama niya sa mundo ng pulitika, inaatake niya na! Wala siyang isinalba, lahat, talagang inuupakan niya ngayon!

“Manalamin nga siya? Saan ba siyang puno ng sampalok nanggaling? Sino ba siya nu’n? Napakarami niyang ginamit na pulitiko para lang matupad ang pangarap niya!

“Kung kanino siya gaganansiya, du’n siya! Kung sino ang makapagbibigay ng ayuda sa kanya, du’n siya! Isa siyang langgam na kung nasaan ang asukal, singuradong nandu’n din siya!

“Manalamin siya ngayon. Kausapin niya ang sarili niya. Siya mismo ang magtanong sa kukote niya, ang pinakawalang kuwenta bang tao sa mundo, e, ‘yung walang utang na loob?

“Siya mismo ang makakakuha ng sagot, wala nang iba, siya lang, dahil ganyan mismo ang ginagawa niya ngayon kapag umaakyat na siya sa entablado at nanghihingi ng boto!

“Kaliwa’t kanang papuri ang ginagawa niya sa mga pulitikong dati, e, binubuntutan niya! Pero ngayon, binabanat-banatan na niya, kung anu-anong kuwento ang pinalulutang niya, manalamin na siya habang maaga pa!” napakadiing pagtatapos ng aming source.

Ubos!

VM Janella doble kayod sa kampanya

Matindi ang hinaharap na laban ngayon ni Vice-Mayor Janella Ejercito Estrada sa mahal nilang siyudad ng San Juan. Matulis ang dila ng kanyang kaagawan sa posisyon bilang alkalde ng lugar na kanyang sinilangan.

Dobleng sipag ang ginagawa ngayon ng panganay nina dating Senador Jinggoy Estrada at Precy Ejercito, hindi siya puwedeng mag-relax, lahat ng panahon ay kailangan niyang iukol sa kampanya.

Responsableng anak si VM Janella. Nang makulong ang kanyang ama ay siya ang umako sa obligasyon para sa kanyang mga kapatid, katuwang niya si Precy sa pagdidisiplina at pagpapatakbo sa kanilang pamilya, maaasahan siya sa lahat ng panahon.

Bago siya matulog ay isa-isa niyang iniikutan ang kuwarto ng kanyang mga kapatid, inaalam niya kung maayos ba sina Jolo, Julian at Jill, at saka pa lang siya magpapahinga.

Kung anong pagmamahal at malasakit ang kaya niyang ibigay sa kanyang mga mahal sa buhay ay kakambal na rin nu’n ang mahal niyang San Juan.

Dalawang termino siyang naglingkod bilang konsehal, sa kasalukuyan ay siya ang pangalawang opisyal ng siyudad, ang inaasinta ngayon ni VM Janella ay ang maipagpapatuloy pa ang kanyang serbisyo bilang mayor na ng kanyang nasasakupan.

Beinte nuwebe anyos na ngayon si VM Janella, kung matatandaan, ganyang edad mismo nang maging mayor ng San Juan ang kanyang amang senador.

Nauulit ang kasaysayan. Maraming nagsasabing maduduplika ni VM Janella ang political career ng kanyang ama. Ang lahat ay itinatakda.

Hindi na bago para sa kanya ang serbisyo-publiko, bahagya pa lang siyang umaangat sa lupa ay isinasama na siya nina Pangulong-Mayor Erap Estrada at dating Senador Jinggoy sa mga kampanya, yakap na yakap na ni Vice-Mayor Janella ang paglilingkod sa kanyang mga kababayan.

Show comments