Kapamilya nanalo ng gintong medalya sa New York Festivals

MANILA, Philippines — Tuloy ang pag-ani ng pagkilala ng ABS-CBN mula sa ibang bansa matapos manalo ng Gold World Medal at Bronze World Medal sa prestihiyosong 2019 New York Festivals “World’s Best TV and Films” Competition, na ginanap noong Abril 9 sa Las Vegas, Nevada sa Amerika.

Nanguna sa mga nanalo mula sa Kapamilya network ang Mother’s Day TV spot para sa ABS-CBN News na pinamagatang Elsa and Sarah, na nagwagi ng gintong medalya sa kategoryang Station/Image Promotion. Ipinasilip dito ang kwento nina Elsa Badilla, isang inang nabubulag na, at ang anak niyang si Sarah, na mayroon namang down syndrome, na nagsisilbing mata at lakas ng isa’t isa sa buhay. Unang itinampok ang kanilang kwento sa programang Mission Possible.

Muli ring nagtagumpay sa NYF ang documentary series na Local Legends, na kuminang sa kategoryang Biography/Profiles para sa episode nitong Karne Norte  tungkol sa mga gumagawa ng tradisyonal na corned beef sa Masbate. Isang produksyon ng DocuCentral, layunin ng programa ang ibida ang kultura at tradisyong Pilipino. Noong nakaraang taon, nag-uwi ito ng Silver World Medal sa Cinematography division para sa episode na Bandurria.

Samantala, nagpakilala rin sa mundo ang current affairs program na Mission Possible na nakatanggap naman ng finalist certificate sa Best Public Affairs Program category para sa episode na Kapit Lang Anak. Kasama ang anchor na si Julius Babao, mapapanood sa episode na ito ang pinagdadaanan araw-araw ng mag-inang Elsa at Sarah, at ang kanilang katatagan sa kabila ng kanilang mga karamdaman. Napapanood tuwing Sabado ng 6 am ang Mission Possible sa ABS-CBN.

Kinikilala ng New York Festival’s World’s Best TV & Films competition ang mga programa at palabas mula sa higit 50 na bansa na ipinapakita ang mga pangyayari sa mundo at nagsisilbing inspirasyon sa susunod na henerasyon. 

Show comments