Bagong Hellboy mas maangas!
MANILA, Philippines — Ang legendary half-demon superhero na si Hellboy ay nagbabalik ngayong Abril, ngunit hindi bilang karugtong ng fantasy-heavy Hellboy films na ipinalabas noong 2004 at 2008 sa ilalim ng direksyon ng visionary writer/director na si Guillermo del Toro.
Sa halip, ang movie reboot na ito ay mas malagim, kinatatampukan ng mga bagong karakter at binuo ng bagong creative team na kinabibilangan ni Mike Mignola, ang mismong lumikha ng Hellboy comic books, na gumaganap bilang co-executive producer.
Sa direksyon ng award-winning director na si Neil Marshall pinagbibidahan ng two-time Emmy Award Best Supporting Actor nominee na si David Harbour, si Hellboy ay inatasang kalabanin ang naghihimagsik na mga higante sa isang karatig na lupain ng England. Ito ay bahagi ng kanyang trabaho sa government organization na B.P.R.D. - Bureau for Paranormal Research and Defense.
Habang tinutugis ang mga higante, makakaharap ni Hellboy si Nimue the Blood Queen, isang mapaghiganting 5th century sorceress na nais makuha si Hellboy sa kanyang panig upang wasakin ang sangkatauhan at pamunuan ang mundo.
Sa kabila ng pagpapakita ng pinagmulan ni Hellboy – tinawag mula sa kailaliman ng impyerno at lumabas sa isang isla sa Scotland – ang pelikulang ito ay magsisimula sa gitna ng aksyon. Ayon kay Mike Mignola, ito rin ay mas malapit sa sinulat niyang komiks kung saan si Hellboy ay hindi nagtatago sa publiko. May angas ang kanyang dating dahil marami na siyang narating at nagawa, isang katangiang hinango ni Mignola sa kanyang ama na lumaban sa Korean War.
Paliwanag ni Harbour, It’s a classically complicated hero. He’s a creature that was meant to bring about the end of the world, and he just sort of wants to be a good guy. He’s got that complexity to him.”
Palabas na ang Hellboy sa mga sinehan simula ngayong araw, Abril 10, 2019 mula sa VIVA International Pictures at MVP Entertainment.
- Latest