Miss Eco-International parang barangay contest ang peg!

Maureen

Nakatulugan ko na ang pagtutok sa live streaming ng Miss Eco-International 2019 na ginanap sa Egypt kahapon ng madaling araw. Pagkagising ko kinabukasan ay dun ko na lang nalamang nagwagi sa naturang title ang kandidata ng Peru na si Suheyn Cipriani, at first runner-up lang ang kandidata nating si Maureen Montagne.

Pareho silang paborito sa kumpetisyon, na kung saan si Maureen pa nga ang winner sa swimsuit competition. Hindi lang nagawang i-back to back ni Maureen ang titulo. Ang pambato nating si Cynthia Thomalia ang last year’s winner.

Iritable lang ang mga netizen na tumutok sa live streaming dahil napakatagal magsimula ng nasabing contest at may katagalan din ng mga segment. Nakakaloka pa ‘yung sinasabihan pa nung Egyptian na host ang audience na kung hindi raw sila uupo, hindi nila sisimulan ang kumpetisyon.

Parang pambarangay lang ang peg na medyo gla­mourized dahil medyo sosyal naman ang lugar na pinagdausan. Napakalayo nito sa Miss Universe. Mas maganda pa nga ang presentation natin sa Miss Earth.

Naalala ko rin tuloy ang komento ni Katarina Rodriguez na ka-cheapan din daw ang Miss World na parang game show daw.

Sa totoo lang, ang Miss Universe lang naman talaga ang pinaka-prestigious, at puwede na rin ang Miss World. Sabi nga ng ilang taong involved sa pageanthology, mas prestigious pa raw ang Miss Earth dito sa atin kesa sa Miss International sa Japan.

Yung iba raw ay talagang pambarangay at matagal na ring raket ng mga producer.

Kaya hindi na rin siniseryoso ang pagkapanalo ng kandidata natin sa ilang international beauty competitions. Ang Miss Universe, Miss World at Miss International lang ang talagang kinikilala rito sa atin.

Migo hindi nilaglag sa serye at pelikula

Tinanggap na rin ng karamihan ang paghingi ni Migo Adecer ng public apology pagkatapos ng insidenteng kinasangkutan niya sa pagkahuli sa kanya sa Makati.

Ipinost ni Migo sa kanyang Instagram account kamakalawa ng gabi ang kanyang public apology, kaya medyo lumambot na rin ang mga nagagalit sa kanya.

Bahagi ng pahayag ni Migo sa kanyang public apology; “First of all, I would like to apologize to all the persons who had been adversely affected by this incident.I have apologized to the police authorities and have explained to them that disobeying them was not my intention at all.

“Please also forgive me for not granting any interviews after the accident. I beg for your understanding for me to let my emotions settle first.”

Tuloy pa rin naman si Migo sa Sahaya at isa pa rin siya sa leading men ni Kyline Alcantara sa pelikulang Black Lipstick kasama si Manolo Pedrosa.

Singer/actress tinakwil nang nanay para makipag-live in sa actor!

Umiiyak ang nanay ng singer/actress na nagsusumbong sa ilang kaibigan dahil sa pag-iwan sa kanya ng kanyang anak. Mahal na mahal ng nanay na ito ang kanyang anak sa guwapo at kilalang aktor.

Hindi lang nakuha ni singer/actress ang kasikatan ng tatay, kahit ilang beses na rin siyang nabigyan ng break sa music industry. Sinubukan din niyang umarte pero hanggang pa-support support lang.

Pero sa totoo lang, kahit hindi magtrabaho ang dalagang ito, suportado siya ng kanyang nanay na napakayaman.

Pero kapag puso na ang nag-utos, wala na silang magagawa.

Iniwan ni singer/actress ang magandang buhay niya sa kanyang nanay at sumama ito sa guwapo at kilalang singer/actor.

Sabi naman ng nanay, tanggap niya ang relasyon ng dalawa pero ayaw lang niyang mag-live in sila.

Pero ayaw sumunod ng anak, kaya basta na lang siya iniwan at sumama na kay singer/actor.

Basta na lang daw siyang umalis sa kanilang tahanan na hindi nagpaalam.

Nung huling nagkuwento sa akin ang kaibigang sinumbungan nung nanay, hindi pa rin daw nagparamdam si singer/actress.

Sana si singer/actor na lang daw ang nag-ayos nito para mabigyan naman ng basbas nung nanay ang kanilang pagsasama.

Show comments