Female personality na reyna ng mga topakin dinidedma dedma na lang!!

Pinagpistahan sa isang malaking umpukan nu’ng isang gabi ang isang pamosong female personality. Ang dami-daming lumutang na kuwento tungkol sa kanyang pagiging spoiled.

Walang kahit sinong makapagpapabago sa takbo ng kanyang isip kapag ginusto niya ang isang bagay, mapapagod lang ang magtitiyagang magbigay ng payo sa kanya, dahil ang gusto rin naman niya ang kailangang masunod.

Kuwento ng isang miron sa umpukan, “Siya ang mayhawak ng pinakamatinding topak sa mundo. Lahatin na natin ang mga topaking artista d’yan, pero siya pa rin ang queen! Siya ang mayhawak ng korona!

“Magsisimula na lang rumolyo ang mga camera, fully-made-up na siya at isasalang na lang, pero kapag biglang nagbago ang takbo ng utak niya, e, ayaw na niyang magtrabaho!

“Sasabihin niya na masama ang pakiramdam niya, bukas na lang siya magte-taping, i-pack-up na lang daw ang staff and crew dahil hindi niya kakayaning magtrabaho.

“Natural, windang na windang ang buong production, puwede ba naman ang ganu’n-ganu’n na lang, paano naman ang napakalaking gastos ng network para sa show niya?

“Porke tinopak siya, e, basta na lang siya aalis at iiwan ang mga staff na nakanganga na lang, dahil hindi naman siya nakikinig sa pakiusap na ituloy nila ang work!

“Ganu’n siya katindi! Siya pa lang ang alam kong nakagagawa ng ganyan! Ibang klase ang topak ng babaeng ‘yun!” naiinis na kuwento ng isang source sa umpukan.

Sabi naman ng isang beteranang personalidad sa nasabing umpukan ay hawak nu’n ng female personality ang buong mundo sa kanyang mga kamay. Kailangang siya ang nasusunod, walang puwedeng kumontra sa kanya, siya lang at tanging siya lang talaga.

Pero napapailing na kuwento ng source, “Ngayon, e, hindi na niya nagagawa ang nakasanayan niya. Bali na ang pakpak niya. Sino nga ba ang mag-aakala na mawawala pala sa mga kamay niya ang mundong dating kontrolado niya?

“Nakagugulat ang nangyari sa kanya, biglang sa isang iglap lang, wala na sa kanya ang lahat. Hindi na siya ang queen ngayon, pero siya pa rin ang reyna ng pagiging topakin.

“Ang buhay nga naman, mapagbiro, sino ba ang mag-aakala na anuman ang gawin niya ngayon, e, walang nakikinig sa kanya? Wala nang naniniwala?

“Nawala sa kanya ang lahat, ‘yun pa naman ang pinakagusto niya, ang nakatanghod ang buong mundo habang kuda siya nang kuda,” napapailing na kuwento ng miron sa mala­king umpukan.

Ubos!

Anak ni Gary kay Bernadette Allyson naiyak nang marinig ang nakaraan ng ama

Naging guest namin sa Cristy Ferminute (Cignal Channel 6, 92.3 New sa FM) ang aktor-pulitikong si Gary Estrada. Kasama niyang dumating ang magandang anak nila ni Bernadette Allyson na si Gaby.

Habang iniinterbyu namin ni Wendell Alvarez ang guwapo pa ring si Gorio ay nakaupo lang sa isang tabi si Gaby at nakikinig-nanonood sa takbo ng programa.

Binalikan namin ang nakaraan, matinding pag­hamon ang naranasan ni Gary Estrada nang itakwil siyang anak ng namayapang aktor na si George Estregan, kung anu-anong bintang ang ipinukol laban sa kanya ng mga taong hindi tanggap ang kanyang pagkatao.

Ang unang-unang humusga sa kanya ay si da­ting Governor ER Ejercito. Todo ang pagtanggi nito sa kanya bilang kapatid. Pero nang magsalita na ang kanyang ama at si dating Pangulong Joseph Estrada at Papa Jesse Ejercito na totoo, anak nga siya ni George, lahat ng bibig ay sumarado na laban kay Gary.

Nasa ganu’ng pag-uusap kami nang makita naming umiiyak ang kanyang anak na si Gaby. Ang sabi ni Gary, “Ako kasi ang mundo ng anak ko. Daddy’s girl talaga siya.”

Talagang iyak nang iyak si Gaby na malaki ang pagkakahawig kay Kim Chiu, napakaganda ng kanilang anak ni Bernadette, kaya hindi na nakapagtataka kung isang araw ay maging artista na rin ang dalagita.

Nang mag-commercial break kami ay tumakbo si Gaby sa tabi ni Gary. Mahigpit ang yakap nito sa aktor, iyak pa rin nang iyak, humalik pa si Gaby sa kanyang ama.

May alam na pala si Gaby tungkol sa nakaraan ng kanyang daddy, pero ngayon lang nito narinig ang buong kuwento, kaya ganu’n na lang ang pag-iyak ng bata.

Mula sa pagiging Board Member sa kanilang bayan sa Quezon ay tumatakbong vice-mayor ngayon si Gary Estrada sa Cainta, Rizal. Wala pa ring nagbabago sa kanyang itsura, nadagdagan lang siya ng timbang, pero siya pa rin ang mares­peto at mabait na aktor na nakilala namin ilang dekada na ang nakararaan.a

Show comments