Kathryn at Alden nag-umpisa nang magparamdam!
MANILA, Philippines — Ang sabi ng Star Cinema sa storycon ng movie na pagtatambalan nina Kathryn Bernardo at Alden Richards, sa papasok na linggo na i-a-announce ang title ng pelikula at excited na ang fans ng dalawa na malaman ang magiging title ng pelikula.
Habang hindi pa nagsu-shooting, nagparamdam na sina Kathryn at Alden sa shooting nila sa Hongkong. Si Kathryn, nag-post ng isang street sa Hongkong, hindi ito ‘yung street kung saan naroon ang malls at big department stores selling branded things, kundi street ng night market yata. Isinulat ni Kath ang “Soon.”
Si Alden naman, habang nasa Israel, nag-post ng Chinese food at nag-post din ng emojis ng camera, film, Hongkong flag, OK sign at emoji ng prayer. Ang ibig sigurong sabihin, answered prayers.
Ang scriptwriter ng movie na si Carmi Raymundo, nag-post naman ng “Central” na ibig sabihin, Central Station ng MTR Station sa Hongkong. Dahil sa mga paramdam na ito, lalong na-i-excite ang fans na simulan na ni director Cathy Garcia-Molina ang shooting para mapanood na nila ang pelikula.
Vickie susubok uli ng kapalaran sa Binibini…
Sasali pala uli sa Bb. Pilipinas ang girlfriend ni Jason Abalos na si Vickie Rushton, kaya ang caption ni Jason sa pinost na picture ng GF ay “Ang ganda mo naman:) good luck.”
Sa kanyang IG Story, pinost ni Vickie ang comments ng kanyang mga supporter na puro positive at inaabangan na ang press presentation. They are rooting for her, kaya lalong determinado ang dalaga na manalo ng title sa second time niya sa Bb. Pilipinas.
Unang sumali noong 2018 Bb. Pilipinas si Vickie at ang alam namin, may place siya, hindi lang namin matandaan. Naalala rin namin na sobrang proud sa kanya si Jason nang ma-interview namin sa taping ng The One That Got Away.
This year, sasali uli si Vickie sa Bb. Pilipinas at may bagong teleserye sa GMA-7 si Jason. Isa siya sa mga bida sa Afternoon Prime na Bihag na airing na sa April, kapalit ng My Special Tatay.
Eric nasanay na sa pagiging tatay
Ama ni Migo Adecer ang role ni Eric Quizon sa Sahaya, siya si Hubert na ang business ay coral mining sa lugar nila Sahaya (Bianca Umali) sa Tawi-Tawi. Kaya may eksena si Eric sa Calatagan, Batangas sa ipinatayong village ng mga Badjaw dahil sa business niya.
Second teleserye na ito ni Eric sa GMA-7 mula nang bumalik siya sa network dahil napanood din siya sa Victor Magtanggol bilang ama ni Janine Gutierrez. Nalilinya si Eric sa father role which he doesn’t mind dahil nasa edad naman daw siya na magkakaroon ng anak.
Bukas, Monday, March 18, na ang worldwide premiere ng Sahaya pagkatapos ng Kara Mia sa direction ni Zig Dulay na mas bata kay Eric. Sabi naman nito, ‘pag aktor siya sa isang project, sumusunod siya sa nagiging director niya.
Samantala, may fans si Maine Mendoza na umaasang matuloy ang pagsasama nina Maricel Soriano at Maine Mendoza sa pelikula ng Regal Films to be directed by Eric at Mother’s Day presentation ng Regal Entertainment.
“I really hope so” at “hoping they will say Yes,” ang sagot ni Eric. Ang hindi nito sinagot ay ang request ng fans ni Maine na pagtambalin sa pelikula sina Maine at Daniel Padilla.
- Latest