Ara Mina pinatitira ng libre at binibigyan ng datung ang dating aktres na si Deborah Sun
Inilibing na kahapon ng umaga ang kilala sa showbiz na si Tita Marie Balbacui na naging loyal fan at talagang nagsilbi sa mga malalaking artista gaya ni Fernando Poe Jr., Mayor Joseph Estrada, Cong. Vilma Santos, at senatoriables na sina Bong Revilla at Jinggoy Estrada.
Sina Sen. Jinggoy nga ang nag-asikaso ng libing nito sa San Juan Cemetery.
Star-studded ang burol niya sa St. Peter Quezon Avenue kung saan nagpuntahan sina Sen. Bong at Jinggoy, Cong. Vi, at pati Vilmanians.
Nung huling lamay nito ay naroon din ang character actress na si Deborah Sun na nakipagtsikahan sa ilang movie press na nandun.
Tuwang-tuwang kinukuwento ni Deborah na halos tatlong taon na raw pala siyang nakatira sa bahay ni Ara Mina nang libre.
Hinding-hindi raw niya makalimutan ang kabaitan ni Ara na pinatira raw siya sa bahay niya sa Cubao, Quezon City.
Tinanong daw niya si Ara kung magkano ang iuupa niya, hindi raw siya pinagbayad dahil sa kalagayan niya ngayon.
Basta bayaran lang daw niya ang ilaw, tubig at association dues.
“Nakasama ko kasi si Ara sa isang teleserye pero hindi ko siya nakabarkada.
“Nagulat ako nang tawagan niya ako at mag-offer siya sa akin ng bahay,’ pakli ni Deborah.
Pati nga raw ang pagdalaw sa isang anak niyang nakakulong, binigyan pa raw siya ni Ara ng pera para pambili ng pagkain para sa anak niya.
Wala raw sana siyang balak na dumalaw dahil wala raw siyang perang pambili ng pasalubong, at naramdaman ito ni Ara, binigyan daw siya para makadalaw lang ito.
Pati raw ang pagpapagamot niya, ay tinutulungan din siya ng aktres.
“Hindi mo kailangang humingi sa kanya. Kusa siyang nagbibigay,” bulalas ni Deborah.
Kaya malaki raw ang utang na loob niya sa aktres na hinding-hindi raw niya makakalimutan.
Likas naman kasi talagang matulungin si Ara at mabait ito. Pero curious lang ako kung hanggang kailan siya puwedeng tumira sa bahay ni Ara nang libre.
Alangan namang forever nang ipagamit iyun sa kanya.
Kylie ayaw bumoto, hindi kumbinsido sa pagsali ng amang si Robin sa pulitika
Finally, nakatikim na rin pala ng matinding sampal si Kylie Padilla mula kay Gladys Reyes.
Isa kasi sa kinaaliwan sa TODA One I Love ay ang karakter ni Gladys dahil
sa nakakatuwang patama ng drama series na iyun sa mga pulitiko at sa eleksyon.
Kuwento ni Kylie, nakunan nga raw ang sampal scene sa kanya ni Gladys kamakailan lang at nawala raw ang antok niya.
Mag-alas dos ng madaling araw na raw iyun at medyo antok antok na raw siya.
“Nagising po ako nun. Good morning!” natatawang kuwento ni Kylie.
“Feeling ko nakita niya ako na medyo inaantok na ako eh. Pero okay naman kasi nagamit ko sa eksena. Naiyak talaga si Jelai (karakter niya sa TODA). After nun, tinawanan na lang namin.
“Mas maganda nga minsan na totoo, para hindi mo i-fake,” dagdag niyang kuwento sa amin nang nakatsikahan namin ang main cast ng TODA One I Love kahapon sa Limbaga 77.
“Parang dumagundong yung mundo eh,” singit naman ni Ruru na takot na ring magpasampal kay Gladys.
Pero nilinaw ni Kylie na nag-enjoy daw talaga siya sa TODA dahil naging close daw silang lahat sa set.
Ang isa pang gustung-gusto raw ng televiewers ay ang pagkakalahad ng kuwento na may kinalaman sa eleksyon.
Saad ni Ruru; “May mga kakilala ako na nagtatrabaho sa TODA na tricycle driver, sinasabi nila na every night yun ang pinapanood nila, kasi kumbaga nakaka-relate daw sila kung papano daw yung mga buhay ng tricycle drivers na tumatakbo dun.
Saka yung tungkol sa eleksyon, malaking parte po dun nung community po dun.”
“Napansin nila na very true to life. They’re dropping names of who it is,” pakli naman ni Kylie.
Kaya napag-usapan na rin ang eleksyon, parang wala raw balak si Kylie na bumoto ngayon dahil sa hindi raw niya gusto ang nangyayari sa pulitika.
“I just don’t like what’s happening. So, ginawa ko na lang, hindi na lang ako mag-vote,” deretsong pahayag ni Kylie.
“Mahirap kasi yung wala pa yung kandidato na ‘wow! Gusto ko siya, for me ha?
“So, sa ngayon, hindi na muna ako,” dagdag niyang pahayag.
Umiiling-iling nga si Kylie nang sinabi naming taliwas naman ito sa kanyang ama, si Robin Padilla na all-out ang suporta kay Pres. Rodrigo Duterte at sa mga kandidato nito.
Hindi nga ba siya agree sa pananaw ng kanyang ama pagdating sa pulitika?
“Hindi rin eh. Kasi babae ako. There are leaders that I like very much, pero dahil babae ako…sometimes I feel let down.
“Magkaiba talaga. May hinahanap ako bilang babae sa leaders na feeling ko hindi ko pa siya naintindihan,” saad ni Kylie..
Hindi pa sila sure kung aabot hanggang eleksyon ang TODA, dahil napapanahon ito.
- Latest