MANILA, Philippines — Gaganap na isang magaling na mag-aaral si Mary Joy Apostol (Julie) na pinagsamantalahan ng sariling gurong si Victor Silayan (Mr. Hontiveros) sa Ipaglaban Mo ngayong Sabado (Marso 9).
Magaling at masipag na mag-aaral si Julie na laging nakaka-angat sa kanyang mga kasamahan sa paaralan. Mataas ang pangarap ng mga magulang nitong sina Lisa (Mickey Ferriols) at Ruben (Christian Vasquez) para sa anak.
Isang araw, pipilitin si Julie ng kaibigang si Raisa (Noemi Oineza) sa palikuran ng mga babae at kukumbinsihin siyang kainin ang kending galing sa gurong si Mr. Hontiveros. Sa unti-unting panghihina at pagkahilo ni Julie, biglang darating ang kanilang guro at ipipilit ang sarili at gagahasain ang dalaga.
Tatakutin ni Mr. Hontiveros si Julie at paniniwalain siyang ang mga kaklaseng sina—Paul (Andre Garcia), na may lihim na pagtingin kay Julie, ang pilyong si Mac (Wendel Pamfilo), ang maloko at mapang-asar na si Ref (Nathan Solis), at ang sariling “crush” ni Julie ang mabuti at maginoong si Jake (Edward Barber)—ang mga tunay na gumahasa sa kanya.
Pagkatapos ng karumaldumal na insidente, susubukang kalimutan ni Julie ang mga pangyayari at ipagpapatuloy ang pag-aaral. Hindi kalaunan magkakaroon siya ng mga delusyon at mawawala sa sarili sa kanilang paaralan. Ipapa-check si Julie ng mga magulang sa medico-legal at dito nila malalaman na biktima siya ng pang-aabusong sekswal. Babalikan ni Julie ang kahindik-hindik na krimeng sumira sa kanyang katinuan at aakusahan si Mr. Hontiveros kasama ang mga kaklaseng sina Jake, Paul, Mac, at Ref.
Lalabanan ni Mr. Hontiveros ang mga alegasyon laban sa kanya at ipipilit pa na imposibleng nagahasa si Julie dahil nakapasok pa ito at nakakuha ng perpektong iskor sa kanilang English examination noong araw na sinasabing nagahasa siya. Makakasuhan si Hontiveros ngunit makakapagpiyansa kalaunan dahil sa mga tila paiba-ibang kuwento ni Julie.
Makuha kaya ni Julie ang katarungan? Mapatawad kaya niya ang kaibigang natakot at kumampi sa gurong nanggahasa? Ma-aacquit kaya ang mga inosente niyang kaklase?
Mapapanood sa longest-running na legal drama sa bansa, nagbibigay rin ito ng libreng legal advice linggu-linggo sa ABS-CBN Tulong Center sa Quezon City.