MANILA, Philippines — Paano nga ba naaapektuhan ng internet, social media, at makabagong teknolohiya ang ating mga buhay at relasyon?
Iyan ang ipapakitang mga kwento sa bagong iWant original anthology series na Touch Screen ng ABS-CBN digital production unit na Indigital Productions at mapapanood na simula ngayong Marso 6 sa iWant.
Bibida ang Kapamilya stars na sina Janella Salvador, Pokwang, at Denise Laurel sa three-part anthology series na tatalakay sa pakikisalamuha ng mga tao gamit ang kanilang gadgets at kung paano nito naaapektuhan ang totoong buhay.
Sa episode na Wittyrella, susubuking magpapansin ng fan girl na si Mandy (Janella) sa kanyang celebrity crush gamit ang kanyang Twitter account. Ang hangad niyang mapukaw ang atensyon ng napupusuan ay mauuwi sa pakikipag-away sa isang sikat na account, na ka-close niya pala ang gumagamit.
Matutunghayan naman si Pokwang bilang isang loyal na kasambahay sa episode na Vixee vs. Inday, kung saan makakaramdam siya ng pambabalewala mula sa pamilyang pinagsilbihan niya ng mahabang panahon sa pagdating ni Vixee, isang smart gadget.
Online dating naman ang sentro sa kwento ng It’s A Match, kung saan tampok ang buhay ng isang app developer (Joseph Marco) na makikipagpustahan na kaya niyang pasagutin ang conservative niyang manager na makaka-match niya sa isang dating app.
Ang Touch Screen ang ikaapat sa original digital series mula sa Indigital, na siya ring nagprodus ng film-anthology series na The End, feel-good comedy anthology series na Alamat ng Ano, at ang erotic-drama anthology series Hush na lahat ay mapapanood sa iWant.
Naglalayong magbahagi ng mga kwentong kakaiba at lihis sa ordinaryo, kasama ng Indigital Productions sa paghahadog ng de-kalidad na mga palabas ang independent film directors gaya nina Gino Santos, Jon Red, JP Habac, Mark Meily, Mikhail Red, Lem Lorca, Dondon Santos, Noel Teehankee, Richard Somes, Ronnie Velasco, Topel Lee, at Victor Villanueva.
Meron din silang paparating na iba pang original shows at specials mula sa Indigital gaya ng Crimes of Passion, Six Feet Diner, Adam & Ed, Papa App, Trip to Quiapo, at Little Big Trio.
Ang iWant ay kabilang sa digital initiatives ng ABS-CBN na nagpapatunay sa patuloy nitong pag-transition bilang isang digital company dahil sa patuloy na paglawak ng online presence nito at pagdami ng digital properties.
Talagang mas pinalalakas pa ng ABS-CBN ang digital platform nila.
Parang ‘pag wala kang show sa digital, napag-iiwanan ka na. Pero sana nga ay hindi nito tuluyang ‘patayin’ ang TV.