Lalaking personalidad bukang-bibig ang resibo!
Nakakaaliw ang kuwento ng mga impormanteng nakakatrabaho ng isang masuwerteng male personality. ‘Di ba naman masuwerteng matatawag ang isang artistang hindi nawawalan ng trabaho sa kanyang network?
Hindi rin ba suwerteng maituturing ang isang personalidad na tulad niya na sa maagang panahon ay marunong nang maghanda para sa kanyang kinabukasan?
Puring-puri ng kanyang mga katrabaho ang male personality pagdating sa paghawak ng pananalapi. Disiplinado siya at napakaorganisado. Ginagawa nga niyang opisina ang kanyang dressing room kapag may taping siya.
Kuwento ng isang source, “Hindi na maghihirap ang taong ‘yun kapag nag-decide na siyang tumigil sa pag-aartista! Secure na ang future niya!
“Ang tawag ng marami sa kanya, e, Mr. Resibo. Kailangang nakaresibo ang lahat ng ipinabibili niya. Hindi puwede sa kanya ‘yung basta ibibigay mo sa kanya ang sukli, kailangang may kasamang receipt ‘yun!
“Kaya alam na ng lahat ang kailangang gawin kapag meron siyang ipinabibili, kailangang may iaabot silang resibo, dahil kung wala, pababalikin ka niya sa store para makakuha ka ng resibo.
“Ganu’n siya ka-organized. Kahit barya-barya lang, kailangang may resibo siyang makukuha sa pinabili niya. Kabisado na siya ng mga utility,” simulang kuwento ng aming impormante.
May mga pagkakataong nagpapatak-patak ang mga artista kapag may gusto silang kainin. Chip-in-chip-in sila para makumpleto ang pambili.
Patuloy ng aming source, “Hindi siya sumasali sa ganu’n, ang reason niya, e, puro card lang ang ginagamit niya kapag may gusto siyang bilhin. E, madalas nga siyang magpabili ng kung anu-ano sa set, di ba? Excuse lang niya ‘yun para hindi siya magbigay ng datung sa tropa.
“May isang nakatrabaho siyang veteran actress na nagsabing ganu’n na ganu’n ang isang kapamilya ng male personality. Hindi raw niya ‘yun minana sa father niya, kundi sa iba.
“Ganu’n din kasi kagaling humawak ng datung ang pinagmanahan niya, organisado at disiplinado rin na tulad niya. Siguro nga, e, palagi siyang pinaaalalahanan na hawakang mabuti ang mga pinaghihirapan niya dahil wala namang kasiguruhan ang pag-aartista.
“Nanggaling na kasi sa ganu’ng karanasan ang pinagmanahan niya, kaya this time, alam na niya ang gagawin sa mga kinikita niya. Siya si Mr. Resivo, bow!” tawa nang tawa pero humahangang pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Lumutang sa Kapamilya, John Lloyd gusto na uling magkadatung!
Tumawag ang isang source namin mula sa ABS-CBN. Nandu’n daw si John Lloyd Cruz. May kakausapin daw na ehekutibo ng network ang kinasasabikang bumalik nang aktor ng ating mga kababayan.
“Ibang-iba na ang hitsura niya! Tumaba siya, saka parang hindi clean-looking, may balbas at bigote kasi siya. Ang layu-layo sa John Lloyd na nakikita ko dati!” excited na kuwento ng aming source.
Pero mukhang masaya raw ang magaling na aktor, kitang-kita ‘yun sa bukas ng kanyang mukha, parang natagpuan na nga ni JLC ang kaligayahang hinahanap niya.
Pero naniniwala kaming hindi basta pagdalaw lang sa network ang ipinunta niya du’n, may kailangan siyang kausapin para sa kanyang pagbabalik, ganu’n din ang paniwala ng lahat ng mga nakakita sa kanya sa bakuran ng ABS-CBN.
Napakagandang senyales nu’n kung magbabalik na nga sa pagtatrabaho si Lloydie. Napakarami nang nakaabang sa pag-arte niya uli sa telebisyon man ‘yun o sa pelikula.
Palaging may espasyo ang showbiz para sa mga personalidad na nagmarka na. Hindi matatawaran ang galing sa pagganap ni Lloydie at pruweba ng tagumpay niya ang kaban ng yaman ng Star Cinema na malaking halaga ang galing sa kanyang mga obra.
Puwede niya namang pagsabayin ang peronal niyang kaligayahan ngayon sa pagtatrabaho, mas maganda nga kanyang estado ngayon, meron siyang inspirasyong anak na pag-uukulan ng kanyang pagpapagod at pagpupuyat.
“Nagtagal din siya sa pakikipag-usap sa mga executives. Sana nga, magbalik na siya sa pagtatrabaho, ang dami-dami nang nakaka-miss sa kanya!” sabi ng kaibigan namin sa Dos.
Sana nga.
- Latest