MANILA, Philippines — Tila at-home na talaga sa Pilipinas ang Japanese-Canadian actress na si Maria Ozawa sa panibago niyang video na ipinaskil online.
Sa video na in-upload ni Ozawa noong Valentines, makikita kung paano niya lutuin, sa sarili niyang pamamaraan, ang Pinoy dish na ginisang monggo.
Apat na taon na sa bansa, ibinahagi ni Ozawa na bumabalik sa kanya ang magagandang ala-ala sa tuwing ginagawa niya ito.
"When I first came to the Philippines like four years ago, this was the dish that I... got taught to make. Brings back memories," wika ng dating adult film actress.
"It's been a while since I made this monggo."
Lumagi na sa Pilipinas ang 33-anyos na si Ozawa kasama ang nobyong si Jose Sarasola, isang Pinoy chef at dating "Pinoy Fear Factor" contestant.
Maliban sa monggo, makikitang ginamitan din niya ng ampalaya, pinatuyong hipon at spinach ang ulam para bigyan ito ng sarili niyang take.
"Before, I used to make it with like, dried fish, but definitely I love the pork version way better."
Dati na rin daw niyang sinubukang haluan ito ng isda, ham at chicharon.
Pero banggit niya, mas gusto raw niyang karne ng baboy ang gamitin rito kaysa chicharon.
Maliban sa monggo, marami pang ibang alam si Ozawa tungkol sa Filipino cuisine.
"The last time when I made bulalo, I was saying I really love cooking Filipino food. It's really good, it's really simple... And of course they have a taste that I've never tasted in Japan, which is a good thing cause it's really good," sabi niya.
"Sarap!" dagdag niya.