Nanonood ng isang programang umiikot lang ang mga tagpo sa isang malaking bahay ang isang grupo ng mga nagtatrabaho sa iba-ibang istasyon. Kilalang-kilala nila ang isa sa mga nagho-host ng programa.
Alam nila ang kuwento ng sobrang pagmamahal ng female host sa isang singer-actor na nakasama niya nu’n sa trabaho. Hindi parehas ang laban. Siya lang ang nagmamahal sa kilalang male personality.
Kuwento ng isang source sa umpukan, “Mabuti naman at nakapag-move-on na siya. Na dapat lang naman, kasi, nakakaawa siya nu’n! Imagine, mahal na mahal niya ang guy, pero ‘yung lalaki naman, ni katiting na atraksiyon, e, wala para sa kanya.
“Kung anu-ano ang inireregalo niya sa guy, tinatanggap naman ‘yun ng lalaki, pero hindi ibig sabihin nu’n na meron na siyang maaasahan. Wala pa rin, talagang hanggang sa friendship lang ang maibibigay sa kanya ng singer-actor,” umpisang kuwento ng aming impormante.
Naging stalker ng singer-actor ang female personality. Sunod siya nang sunod sa kahit saang puntahan ng lalaki. Kapag may gig ang guy, nagdi-disguise pa ang babae para hindi siya makilala ng lalaking pinakamamahal niya, nagtatago siya sa mga sulok-sulok ng bar.
Patuloy ng aming source, “Grabe ang tumamang pana ni Kupido sa babaeng ‘yun para sa singer-actor! Bukod sa parang stalker na siya nu’ng lalaki, e, nagbabantay pa siya hanggang sa gate ng subdivision na tinitirhan nu’ng guy!
“Ayaw kasing sagutin ng lalaki ang mga tawag at text niya, talagang deadma lang sa kanya, kaya umaasa siya na baka kapag dumaan ang guy at nakita siya, e, maawa sa kanya.
“Ganu’n siya katindi nu’n, parang ikamamatay na niya ang hindi pagpansin sa kanya ng singer-actor, para bang ‘yun na lang ang kaisa-isang lalaking nabubuhay sa mundo para mahalin niya!
“Matagal bago niya napaglabanan ang emotion niya, tapos na ang pinagsamahan nilang show, e, patay na patay pa rin ang girl sa male personality. At deadma pa rin sa kanya ang lalaki!
“Pero mukhang tapos na ang episode na ‘yun sa buhay niya, may natagpuan na siyang lalaking magmamahal talaga sa kanya at mamahalin din niya. Nagpakasal na rin sa isang female personality ang singer-actor, kaya parehas na ang laban nila ngayon.
“Sa pag-iisa siguro ngayon ng female personality, e, pinagtatawanan niya na lang ang nakaraan niyang pagkaloka sa singer-actor. Malapit na kaya siyang iuntog sa pader nu’n ng sister niya dahil sa kalokahan niya!” tawa nang tawang pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Serye nina Mika at Barbie wagi sa pag-iingay!
Pagkatapos padapain ng FPJ’s Ang Probinsyano ang pinakahuli nilang kalaban ay may bago na namang isasalang ang GMA-7 para ipakipagsalpukan sa matagumpay na serye ni Coco Martin.
Mga mas batang bumibida ang magiging katunggali ng maaksiyong serye, isang katawan lang ‘yun, isang ulo, pero may dalawang mukha, ang Kara Mia.
Nakakaaliw ang mga memes tungkol sa serye nina Barbie Forteza at Mika dela Cruz. Ang galing-galing talagang magsalansan ng mga kuwentong katawa-tawa ang mga kababayan natin.
May isang meme na uminom si Kara, lumabas ang tubig sa bibig ni Mia, nakakaloka! Pinoproblema rin ng mga netizens ang pagpapa-parlor ng kambal. Paano raw kapag nagpa-shampoo na si Mia, di mangungudngod sa shampoo bowl si Kara, ang dami-daming nakakatawang sitwasyon sa social media bilang paglalaro sa dalawang karakter ng serye.
Pero pampaingay ‘yun, malaking promo ‘yun para sa serye, katatawanan man ang mga nakikita natin ay nakapambubulabog ‘yun sa kamalayan ng manonood.
Pero anuman ang itapat ng kabilang istasyon sa Ang Probinsyano ay suicide ang nagiging resulta. Ang dami-dami nang seryeng ipinangtapat kay Coco Martin at sa kanyang mga katropa, pero walang ibang senaryong nagaganap, kundi ang magsara-magtapos ang ipinanghahamon sa kanila.
Lalo na ngayon na puro kapana-panabik ang mga eksena sa Ang Probinsyano, puro upakan na ang mga tagpo mula nang mamatay si Pinuno (Lito Lapid), may laban kaya ang kambal na bungo sa kanilang salpukan?
Sabi ni prop, “Siguro, sabi ng Siete, matalo man ang bago nilang serye, e, si Coco Martin naman ang nakatalo!”
Ha! Ha! Ha! Ha!