Armida Siguion-Reyna yumao sa edad na 88
MANILA, Philippines — Pumanaw na ang beteranong mang-aawit, aktres at producer na si Armida Siguion-Reyna, alas-tres ng hapon, Lunes.
Binawian ng buhay sa intensive care unit ng Makati Medical Center ang dating chairperson ng Movie and Television Review and Classification Board dahil sa sakit na cancer.
Matagal nang bali-balita ang pagkakaroon ng sakit ng sikat na showbiz personality bunsod ng 'di pagpapakita sa mga pampublikong pagtitipon.
Pagbabahagi noon ng kanyang apong si Cris Villonco, malaki ang naging epekto kay Armida ng pagkamatay ng kanyang mister.
Anak ng pulitikong si Alfonso Ponce Enrile, kapatid ni Armida sa ama ang dating Senate president na si Juan Ponce Enrile.
Noong 1975, ginawaran siya ng gantimpalang "Best Supporting Actress" sa Bacolod Film Festival para sa kanyang pagganap sa pelikulang "Sa Pagitan ng Dalawang Langit."
Umawit din si Siguion-Reyna sa ilang musical albums tulad ng "Aawitan Kita," "Armida" at "Sa Lungkot at Saya... Aawitan Kita.”
Nakilala rin si Armida sa mga kontrabida roles kasama ang ilang batikang personalities sa industriya.
Gumanap pa bilang "Alicia" si Siguion-Reyna taong 2012 para sa independent film na "Bwakaw" na humakot ng parangal sa Cinemalaya at iba pang award-giving bodies gaya ng Tokyo International Film Festival, 55th Asia Pacific Film Festival at 7th Asian Film Awards.
Ipinanganak taong 1930, umabot pa sana ng 89-anyos si Armida sa darating ika-4 ng Nobyembre. — James Relativo
- Latest