Bukod sa pag-arte sa harap ng kamera ay sumabak na rin si Yassi Pressman sa pagsusulat ng kanta.
Matatandaang nagkaroon na ng sariling album ang aktres ilang taon na ang nakalilipas. “Kasi matagal na akong napahinga at siguro ‘yung sound ko dati, hindi ko pa rin nahanap. Pero ngayon, gusto ko nang i-share pa po sa mga nagmamahal at sumusuporta, ‘yung music ulit. May sinulat ako, Ikaw Lang Talaga ‘yung title. So sana lumabas next month. Meron pang isang kanta na si Quest (rapper) ang nagsulat,” paglalahad ni Yassi.
Isang interactive book din na may titulong Say YASS to Happiness ang ginawa ng dalaga para sa kanyang mga tagahanga. “It’s a very you and me book. So kung ikaw ang may-ari ng libro, marami akong ise-share sa ‘yo pero marami rin spots and pages na ikaw din ang magse-share sa akin. Tapos makikita ko ‘yan sa hashtags on social media. So sana doon, makapag-usap tayo. It’s really a connecting book about my life and you, as a reader and as a supporter. And then now as a friend to share your stories also,” pagdedetalye ni Yassi.
Hanggang maaari ay gusto raw talagang mapalapit ng aktres sa kanyang mga tagahanga kaya iba’t ibang mga bagay na ang ginagawa para sa lahat ng walang sawang sumusuporta sa kanya. “Gusto ko pa sanang i-share at mag-experiment kung anong magiging reaksyon din nila. So sana suportahan ninyo,” pagtatapos niya.
Piolo, magbibida sa kwento ng marijuana
Nagdiriwang ng ika-sampung anibersaryo ang Spring Films na pagmamay-ari nina Piolo Pascual at ng direktor na si Joyce Bernal. Bilang selebrasyon ay maraming bagong pelikula ang nakatakdang ipalabas ng nasabing film outfit ngayong taon.
Maliban sa pagiging movie producer ay magbibida rin si Piolo sa pelikulang Post Angst na tungkol umano sa marijuana. “We wanted to be as diverse as possible. We don’t want to be boxed.
Mas maganda na iba-iba ‘yung genre na pinapasukan namin. Nakakatuwa lang na ‘yung pumapasok na konsepto, nae-enjoy din naming gawin,” maikling pahayag ni Piolo.
Balak din ng aktor at ni direk Joyce na kunin sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla para sa magkaibang pelikula.
Isasama si Kathryn sa History of Parking Lot habang makakasama naman ni Daniel si Charo Santos-Concio sa isa pang proyekto.
Maliban sa mga malalaking artista ay nakatakda ring gumawa ng pelikula para sa Spring Films sina Paul Soriano, Lav Diaz at Ely Buendia bilang mga direktor.