AiAi nami-miss ang kabastusan ni Rico J, hitmakers naubusan na ng luha!
Medyo emotional ang mga bida ng Valentine concert na Hitmakers and Ai na sina AiAi delas Alas, Marco Sison at Hajji Alejandro sa presscon nila na ginanap sa Mesa Restaurant kahapon ng tanghali.
Kapag Hitmakers kasi, hindi talaga puwedeng hindi pag-usapan si Rico J. Puno na malaki ang bahagi sa kanilang grupo.
Nabanggit ni Hajji na nakailang shows na rin sila na nagbigay ng tribute sa namayapang singer pero mabigat pa rin daw sa kanila, at hindi pa rin daw talaga nagsi-sink in kay Marco na wala na si Rico J.
“Malapit na siyang mag-sink in sa akin, sa totoo lang.
“For so many years… more than 10 years kaming nagkasama eh.
“Pero ayaw niya ng malungkot, ayaw niya ng nagdurusa, ayaw niya ng iyak-iyakan. Gusto niya laging masaya. Ang memories ko sa kanya, masaya siyang kasama eh.
“Saka kahit anong klaseng joke, puwede niyang tanggapin. Dapat marunong ka rin tumanggap,” pahayag ni Marco.
Kay Aiai naman, talagang nami-miss daw niya si Rico lalo na’t ganitong may mga show sila sa Valentine’s day.
“Wala na yung lumalaban sa akin eh, bumigay na yung katawang lupa.
“Nalulungkot ako talaga. Kasi madalas ko rin makakasama si kuya eh. Nami-miss ko yung binabastos niya ako.
“Kasi minsan, pumipili lang ako ng nambabastos sa akin eh. Pag iba na. Nao-offend ako or hindi ko pinapalagpas. Si kuya, okay lang sa akin. Parang siya lang ang may lisensya…silang masyonders okay lang na bastusin nila ako. Bilang nauna naman sila in the business,” saad ni AiAi.
Sabi naman ni Hajji; “Si Rico ang isa sa pinaka… bihira yung ganun sa stage na kabatuhan.
“Kasi ang comedy, alam naman lahat natin ito is timing.
“It’s not really something scripted…si Rico J, kahit hindi nakakatawa yung sabihin niya, because napakagaling ng timing niya, matatawa ka.
“Masarap siyang kasama sa stage, you can surprise him…surprise one another, wala sa pinag-uusapan yung usapan n’yo sa stage, pero ang bilis ng balik niya sa ‘yo na nakakatawa, because of his timing.
“Naubos na rin ang luha ko sa wake eh.”
Kaya kakaibang tribute raw ang gagawin nila ngayon dito sa Hitmakers and Ai. Kakantahin nila ang mga kanta ni Rico, at nandiyan pa rin daw ang bastusan nila na sabi nga ni AiAi, merong mild, hard at hardcore.
Sa February 15 nakatakda ang Hitmakers and Ai na gaganapin sa Newport Performing Arts Theater ng Resorts World Manila.
Pamilya ni Pepe Smith nanghihingi ng tulong para sa libing
Bago ang sa Hitmakers, meron ding concert sa Newport Performing Arts Theater sa Valentine’s Day mismo, February 14, na tampok naman sina Ogie Alcasid at Ryan Cayabyab na pinamagatang Master of Love.
Si Ogie raw ang direktor nito at conceptualized ng National Artist for Music ang magbibigay buhay sa mga awitin niya, pati ang mga awitin ni Barry Manilow, Hajji Alejandro, at pati kay Rico J. Puno na bibigyan din daw nila ng tribute.
Talaga naman kasing mami-miss si Rico J kapag Valentine’s day dahil hindi siya nawawalan ng show.
Special guests nila rito sina Mariel de Leon, Lara Maigue, Tanya Manalang at ang Ryan Cayabyab Singers.
Sa pocket presscon nina Ogie at Mariel kahapon, hiningan na rin namin ng sagot si Ogie tungkol sa hinihinging tulong ng pamilya ng namayapang si Joey Pepe Smith, dahil kulang daw sila ng pondo na pampalibing.
Bilang presidente ng OPM o Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit, nag-commit naman daw silang magbibigay sila ng tulong sa pamilya ng namayapang rakista.
“We will help. We always help pag ganyan,” pakli ni Ogie.
Hindi naman daw sila makapagbigay ng malaki dahil NGO sila at naka-COA rin daw sila bilang karamihang bahagi ng pondo ng OPM ay mula sa mga pulitiko. Isa nga raw sa malaking nagbibigay sa kanila ng donasyon ay ang QC Mayor Herbert Bautista.
Tinatapatan ng malaking datung, malaking TV network nanunulot ng malalaking bahay na ginaganapan ng taping
Natataranta na pala ngayon ang production staff ng ilang drama series ng isang malaking TV station dahil hirap na hirap na raw silang makahanap ng matitinong lugar para gamitin sa soap nila.
Nahirapan na raw silang makahanap ng magaganda at malalaking bahay dahil ang laki pala ang ibinabayad ng katapat na istasyon.
Halimbawa sa Quezon City, sa Bulacan at pati sa Antipolo, doon nakakakita ng magaganda at malalaking bahay na ginagamit sa mga eksenang mayayaman ang karakter.
Hindi na nila ito makuha dahil ang laki raw pala nang ibinabayad ng katapat na network.
Yung dating rate na 50 thousand pesos na rental ng isang malaking bahay, ginagawang 80 thousand daw ng kalabang network. Kaya naka-reserve na raw sa malaking TV network na nagbabayad ng malaking halaga.
Kuwento ng isang Executive Producer ng bagong soap na sinisimulan na, naka-commit na raw ang may-ari ng bahay sa Bulacan sa halagang 50 thousand, pero biglang nabago dahil nung nakita raw ito ng kalabang network, ginawa na raw nilang 85 thousand. Kaya umatras na raw sa kanila ang may-ari ng bahay dahil sa malaki ang ibibigay ng kalabang network.
Walang nagawa ang EP ng bagong soap na unang kausap nung may-ari ng bahay kundi tapatan na lang ang presyong ibabayad ng kalaban nilang TV network.
Pati pa raw sa Barangay permit ay nahirapan din sila sa kalabang network dahil yung regular na rate na tig 5 thousand, dinodoble raw ng kalabang network. Kaya hindi sila napa-prioritize sa dami raw ng perang pinapalabas ng kalabang TV network.
Kumikita naman kasi talaga ng malaki ang mga drama series nila, kaya willing silang maglabas ng malaking pera para makuha lang nila ang maganda at tamang location na gagamitin nila.
Paano raw ito tatapatan ng kalabang TV network dahil nagtitipid nga naman sila?
- Latest